
- Patuloy na namamayani ang diwa ng bayanihan matapos pu
mutok ang Bulkang Taal sa Batangas - Isa sa mga nakahandang magdala ng tulong sa mga apektado ang ilang Marikeño
- Anila, naranasan din nila ang hagu
pit ng kalamidad noong Bagyong Ondoy (2009) kaya naman bilang mga pinalad na nakaligtas at nakaahon, nais nilang ibalik sa iba ang biyayang natanggap nila noon
Sa gitna ng mga pinsala at trahedyang idinulot ng pagputok ng Bulkang Taal sa Batangas, namamayani ngayon ang diwa ng bayanihan sa mga Pilipino.

Simula sa mga malalaking organisasyon at tao hanggang sa mga simpleng mamamayan, umaapaw na tulong ang nagsisidating sa mga apektado. At sa darating na Biyernes, isa namang grupo mula sa Marikina City ang tutungo sa kanila; mga Marikeño na minsan na raw sinubok ng hagupit ng kalamidad noong Bagyong Ondoy (2009), mga pinalad na makaligtas at nais ibalik sa iba ang biyayang natanggap nila noon ngayong tuluyan na silang nakabangon.
Sa Facebook group na Marikina News, ibinahagi ni Paulo Quiapon ang ilang litrato ng mga relief goods na sila mismong mag-asawa ang nag-pack. Aniya, kung may mga nais magbigay sa mga apektado ngunit hindi makaalis ng Marikina, handa silang mag-asawa na isabay ang kanilang mga donasyon sa mga ihahatid.
Kuwento ni Paulo sa isang panayam ng Definitely Filipino, ideya ng kanyang asawang si Elaine ang lahat ng ito. Sa tulong ng photographers at models na kasama niya sa ElaineQuiapon Production, nakaipon sila ng mga maaaring tumugon sa pangangailangan ng mga biktima, lalo na ang mga nawalan ng tirahan at nasa evacuation center ngayon.
“Naging daan lang po kami upang maipahatid nila ang kanilang mga tulong sa mga kababayan natin. Sino-sino pa ba magtutulungan kung hindi tayo ring mga Pinoy?” wika ni Paulo.

Pagbabahagi pa ng Marikeño, noong kasagsagan ng Bagyong Ondoy ay naranasan niya kung gaano kahirap ang lahat para sa mga direktang apektado, kaya naman agad siyang sumang-ayon sa plano ng kanyang misis.
“Hindi naman po kami inabot ng baha noong Ondoy, pero po ‘yong mga kalapit po, Tumana tapos sa Montalban po, oo. Naglinis kami roon sa tito ko kaya po nararamdaman ko rin po ‘yong hirap ng nasa ganoong kalagayan. Madami rin nagbigay ng mga relief goods noon kaya po nagpapasalamat ako. Mahirap walang tubig at walang kuryente, pero maraming tumulong,” wika niya.
“Sa simpleng bagay na ginawa namin ng asawa ko, maibalik ko naman sa iba ‘yong bagay na binigay nila noong panahong kami ang nangailangan,” aniya.