
- Ipinagmalaki ng isang volunteer ang kaayusan sa evacuation center ng San Pablo
- Bawat pamilya kasi rito may nakalaang tent at maya’t maya rin daw ang kain
- Pinuri ng mga netizens ang mayor sa pagiging handa at pagtugon sa mga pangangailangan ng mga evacuees
Sa mga evacuation centers pansamantalang tumutuloy ang mga naapektuhan ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal. Kanya-kanyang pagkalinga naman ang ginawa ng lokal na pamahalaan upang matugunan ang pangangailangan ng mga evacuees at maging komportable sila.

Isang volunteer ang natuwa sa nakita niyang evacuation center sa San Pablo, Laguna. Kaya naman ipinagmalaki niya ito sa social media.
Kuwento niya sa post, “Evacuation site here in San Pablo, Laguna. Flex ko lang. Ganda kasi. Kausap ko ‘yong isa sa mga evacuees dito kanina and sabi niya maya’t maya daw ang kain nila. Hehe. Hindi nila problema dito ang foods. Sila po ay mga taga Malvar, San Juan. Isang barangay sila.” Kaya napahanga ito sa kanilang alkalde, “ The best ka talaga yorme.”
Sa kanyang mga larawan, makikitang sa isang malaking gym pinatuloy ang mga taga Malvar at nakalatag ang maraming asul na tent na nakalaan para sa kanila. Sa disenyo ng tent, nagkakaroon ng privacy ang bawat pamilya at hindi rin magulo tingnan dahil hindi sila pakalat-kalat.
Kung ikaw ay may mga maliliit na anak, madali silang bantayan dahil maisasara mo ang tent. Hindi ka na mangangamba na baka makalayo sila. Kampante ka na rin sa iyong mga kagamitan na hindi maihahalo sa iba o kaya’y mawala.
Natuwa ang mga netizens sa kanilang nakita.
“Super ganda ng tent nila. Ganyan dapat may division bawat pamilya. Sana lahat ganyan sa mga evacuation centers.”

“Wow, ang ganda kahit biglaan pero organized siya. For the first time nangyari ito sa Pinas na ganito ang evacuation center.”
“Ito ‘yong mapapa sana all ka eh. Ganda naman may kanya-kanya silang space. Alaga pa sa kain. Good job sa mayor nila.”
Si Hon. Loreto Amben S. Amante ang mayor ng San Pablo at chairperson ng CDRRMC sa kanilang lugar.