
- Noong araw, sa ilog o batis naliligo at naglalaba ang karamihan
- Isang post ng Magsasaka Mabuhay Ka sa social media ang nagpabalik-tanaw sa mga alaala ng mga netizens
- Marami ang naka-miss at mayroon din na hanggang ngayon ay ginagawa ito
Malinaw at malamig na tubig, ‘yan ang ilan lamang sa mga katangian ng mga ilog at batis natin.

Dahil wala pang koneksyon ng tubig sa mga bahay-bahay noon, dito karaniwang naglalaba ang karamihan. Kapag oras na ng paglalaba dala-dala na ang malalaking batya puno ng mga maruruming damit. At siyempre kasama ang isang maliit na bangko kung saan uupo para hindi mababasa.
Hindi rin makukumpleto ang paglalaba kung wala ang palo-palo, isang kahoy na hinahampas sa damit gaya ng maong at de-kolor. Konting sabon lang, palo-paluin at isawsaw ulit sa tubig upang banlawan, ay ok na.
Kasabay ng mga naglalaba ang mga naliligo rito na masayang nagtatampisaw sa tubig kasama ang mga kaibigan.
Ang mga ito ang mga alaalang binalikan ng mga netizens sa mga larawang ibinahagi ng Magsasaka Mabuhay Ka sa Facebook.
Namimiss ito ng isang netizen, “Ay na miss ko sobra. Ang sarap mglaba noon sa karayan. Ang bango ng damit pag natuyo na. Nagbabaon kami noon ng kamatis na my bagoong kasi maghapon kami noon sa ilog kasi iuuwi namin damit tuyo na. I miss that very much.”

“Yes, ang saya pa kasi marami kayong naglalaba. Kuwentuhan, halakhakan at sarap kumain sa tabi ng ilog. Binibilad sa bato, buhangin mga nilabhan para madaling matuyo Ipagpag sabay tupi at uwian na sakay ng galusa hila ng kalabaw.” Dahil marami rin ang naglalaba, nagkikita-kita sila at nagiging magaan na rin ang trabaho dahil sa kuwentuhan.
May nagbahagi naman ng larawan sa pagligo nila sa ilog. “Dito sa’min sa Mountain Barangay ng Cebu City,.kaliligo lang namin noong isang araw. Ang saya magtampisaw sa napakalamig na tubig.”
Nalipat man tayo sa ibang lugar ngayon, masarap pa rin balik-balikan ang mga ganitong karanasan noon. Simple lang, hindi nagbabantay ng oras at libre pa.