Naabutan mo ba ang ‘old school’ na taksi? Harabas, naging tugon sa taxi shortage noon

Image capture from Facebook
  • Maituturing na klasik ang isang klase ng taksi na bumibiyahe noon sa Metro Manila
  • Tinatawag din bilang “Harabas”, ang uri ng taksi na ito ang isa sa mga naging tugon sa taxi shortage noon sa Kalakhang Maynila
  • Sa Facebook page na Memories of Old Manila, nagbalik-tanaw ang mga miyembro sa panahon ng Harabas

Inabutan mo ba ang kakaibang klase ng taksi na kung tawagin noon ay “Harabas”? Naranasan mo na rin bang bumiyahe lulan ng sasakyan na maituturing nang klasik sa panahon ngayon?

Image capture from Facebook

Sa Facebook page na Memories of Old Manila, nagbalik-tanaw ang mga miyembro sa panahon ng Harabas; ang mga taksi na kawangis ng mga FX na patuloy na bumibiyahe at sinasakyan ng mga pasahero hanggang sa kasalukuyang panahon.

“Harabas! Nakapag-drive pa ako noong 1990s niyan,” pagbabahagi ng isa sa mga miyembro ng grupo na si Bongski Reyes.

“Sinasakyan papunta ng CCP noon,” kuwento naman ni Jeffrey Amparado.

“Assembled and made by General Motors Philippines, Inc. na may planta sa Paco, Manila at Bo. Almanza, Las Pinas, Rizal. Ang makina ay GM/Mazda, made in Japan,” pag-aalaala ni Redentor Pineda.

May mga nakapansin din na “taksi” sa halip na “taxi” ang nakalagay sa sasakyan. Anila, nakatutuwa itong pagmasadan dahil Pinoy na Pinoy daw ang nakasulat at hindi katulad ng mga nasa modernong modelo na nasa Wikang Ingles.

Image capture from Facebook

Ang kakaibang klase ng taksi na ito ay tinatawag din ng mga tao na “Harabas”. Ayon sa isang July 1975 issue ng Daily Express, ang mga taksi na nabibilang sa ganitong uri ay mga yunit ng Harabas jeepneys na ginawa lamang taksi para matugunan ang taxi shortage sa Metro Manila noong panahon na iyon.

Ikaw, madalas ka bang sumasakay sa Harabas noon? Ano-ano ang hindi mo makalilimutan sa pagsakay sa old school na pampasaherong sasakyan na ito?