MMK breakup scene na dumurog sa maraming puso 12 taon pabalik, nakakasakit pa rin

Images via ABS-CBN
  • Mahigit isang dekada na matapos umere ang Maalaala Mo Kaya episode na “Popcorn” noong Pebrero 1, 2008
  • Nito lamang ay binalikan ng marami ang breakup scene na kinatatampukan ng mga kilalang childstar noon na sina Eliza Pineda at Joshua Dionisio 
  • Marami pa rin ang nasaktan nang mapanood ito, ngunit may mga napangiti rin 

“May pa-Jenny-Jenny ka pa riyan!”

Halos 12 taon na matapos umere ang Maalaala Mo Kaya episode na “Popcorn (Young love)” noong Pebrero 1, 2008.

Image capture from Facebook

Kamakailan lamang ay ibinahagi ng Facebook page na Chillin Vibes ang video ng breakup scene na kinatatampukan ng mga kilalang childstar noon na sina Eliza Pineda at Joshua Dionisio. Dito ay nagbalik-tanaw ang mga social media users sa eksenang minsa’y dumurog at nagpaalala sa kanila kung gaano kasakit ang magmahal at maloko ng iniibig. Pagkalipas ng lampas isang dekada, marami pa rin ang nasaktan nang mapanood itong muli.

Ngunit may mga napangiti rin sa kung gaano kainosente ang young love. Sa mga linya pa lamang kasi ng karakter na ginampanan ni Eliza, mahahalata kung gaano pa kabata ang letter sender noong maranasan ang kanyang unang kabiguan sa pag-ibig.

“Bakit mo naman ako niloko? Alam mo namang mahal kita, ‘di ba? Ibinigay ko naman lahat ng gusto mo? Paano mo ba kasi gustong mahalin ka?” tanong niya sa kanyang kasintahan matapos mahuli na may iba.

“Ikaw kasi, ang kulit mo, e. Text ka nang text. Tawag ka nang tawag,” tugon ng lalaki.

“Siyempre ite-text kita, nami-miss kita, e….Sana pala hindi na lang kita naging gusto. Sana hindi na lang kita minahal. Sana pala, ‘yong mga pina-Pasaload ko sa ‘yo pinambili ko na lang ng pagkain ‘tsaka project. Sana ‘yong pagpapagod ko sa pagte-text sa ‘yo ‘tsaka kakaisip sa ‘yo, nag-aral na lang ako at nakipaglaro sa mga kapatid ko,” emosyonal na wika niya.

Images via ABS-CBN

“Dahil sa ‘yo, nawalan pa ako ng friends, natuto akong magsinungaling at sumuway sa mga magulang ko. Pero ikaw? Lagi mo na lang pinapasikip ‘yong dibdib ko. Bakit? Dahil cute ka? Dahil maraming nagkaka-crush sa ‘yo kaya puwede mo na ‘tong gawin sa akin? Sa ngayon, kaaway na kita. Hindi na ako makikipagbati sa ‘yo kahit kailan,” pagpapatuloy nito.

Balikan ang tinaguriang pinakamasakit na parte ng MMK Klasik na “Popcorn (Young love)”:

https://www.youtube.com/watch?v=oWxhtg14eHM&t=4s