
- Viral ngayon sa social media ang aerial photo ng bayan ng Silang, Cavite
- Kapansin-pansin kasi sa litrato kung paano nabalot ng abo ang bubong ng mga bahay at iba pang gusali
- Patuloy rin ang pagpapaalala ng lokal na pamahalaan ng Silang na mag-ingat ang mga residente at hangga’t maaari ay manatili na lang sa kani-kanilang tahanan
Maraming lugar ang naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal noong Linggo, January 12, 2020. Bukod sa lalawigan ng Batangas, naramdaman din ang epekto nito sa Cavite, Laguna, Rizal, at maging sa Metro Manila.

Kabilang ang Silang, Cavite sa mga lugar na tinamaan ng ashfall. May layo itong 54 kilometers mula sa Taal at may populasyong hindi bababa sa 200,000. Makikita sa viral post mula kay Jonas Cortez ang mga aerial shots sa bayan ng Silang. Kapansin-pansin dito na nabalot ng makapal na abo ang halos lahat ng kabahayan at gusali sa lugar.
Sa ngayon, umani na ng mahigit 2,200 reactions and 10,000 shares ang post ni Jonas. Ni-repost din ito ng Facebook page na “Silang Spötted official” kaya mas lumawak ang naging reach ng viral post.
Patuloy naman ang isinasagawang clean-up operations ng mga barangay sa Silang. Nanawagan din sa mga residente si Silang Mayor Corie Poblete na sundin ang mga paalala ng NDRRMC lalo na ang paggamit ng face mask. Dagdag pa niya, kung maaari rin ay h’wag munang lumabas ng tahanan kung hindi naman kailangan.
“Ang ating kalusugan at kaligtasan ang una nating bigyan ng pansin. Salamat!” pahayag ni Mayor Corie sa kanyang official Facebook page.

Samantala, nananatiling suspendido ang klase sa lahat ng antas sa bayan ng Silang.
Nagsagawa rin ng relief operations ang lokal na pamahalaan para sa mga evacuees at biktima ng pagsabog ng Bulkang Taal. Kasalukuyang tumutuloy sa Brgy. Paligawan ang mga Batangueños na pansamantalang inilikas.