
- Sa isang Facebook page, inalala ng netizen ang mga bagay na dati umanong pinag-aagawan sa loob ng classroom
- Ang mga bagay na ito ay ang song hits at ang librong “True Philippine Ghost Stories”
- Maraming netizens naman ang naka-relate sa throwback picture na ito at inalala rin nila ang mga karanasan sa loob ng kanilang classroom

Mayroon mang kasabihan na “past is past,” marami namang alaala at karanasan sa nakaraan na napakasarap balik-balikan.
Ang mga karanasan na ito ay maaaring maganda, nakakatuwa, at tiyak na hindi makalilimutan. Kaya naman nauso sa iba’t ibang social networking sites ang pagpo-post ng mga “thr0wback.”
Sa katunayan, mayroon pa ngang tinawag na “thr0wback Thursday” kung saan maaaring ibahagi, alalahanin, o balikan ng mga netizens ang mga alaala ng kanilang kahapon sa pamamagitan ng pagpost ng pictures o pag-share online.

Kaya marami ang nakaka-relate kapag mayroong larawan ang naibabahagi online na nagpapaalala sa kanilang kabataan. Ang Memories of Old Manila Facebook page ay isa sa mga FB pages kung saan malayang nakapagbabahagi ang mga netizens ng mga larawan ng lumang bagay, tao, lugar, pangyayari, at iba pa.
Kamakailan, isang post dito ang umani ng atensyon ng nakararami dahil ito ay nagpapaalala ng kanilang mga karanasan sa loob ng classroom.
Sa post ni Daisy Delos Reyes, ibinahagi niya ang larawan ng isang song hits at ang libro na “True Philippine Ghost Stories.” Nilagyan ito ni Daisy ng caption na: MGA BAGAY NA PINAG AAGAWAN SA CLASSROOM.
Tunay nga namang pinag-aagawan ito noon sa classroom lalo na at mahilig ang mga estudyante na kumanta, at sa song hits nila makikita ang lyrics ng mga nauusong kanta noon.

Ang pocketbook namang “True Philippine Ghost Stories” ay koleksyon ng mga makatindig-balahibong karanasan na ibinahagi ng mga taong nakaranas mismo nito. Marami ang tumatangkilik dito sa pag-aakalang tunay ang lahat ng nakakatakot na kuwentong nakalimbag dito.
Maraming netizens ang nagbalik-tanaw sa ibinahaging larawang ito ni Daisy: “True Philippine Ghost Stories, Hunted Philippines, collection ko noon, ang pinakamatandang libro ko ngayon na natira 10yrs old na.”
“Mga bagay na confiscated ng teacher niyo tapos di na binalik. Yun pala binasa na.” “Tapos tuwing Saturday o Sunday ng hapon dati, inaabangan ko pa yung “Wag Kukurap” sa channel 7 hosted by Dingdong Dantes.”
Ikaw? Naabutan mo rin ba ang mga song hits at ang librong True Philippine Ghost Stories?