
- Ibinahagi ng isang netizen ang litrato ng isang gagamba na pinagkaguluhan ng ilang netizens
- Ang gagamba kasi na ito ay sobrang laki at tila makikita sa loob ng kubeta
- Ayon sa mga komento sa litrato, naghahanap umano ang malaking gagamba ng mapagtataguan ng itlog nito
Kalimitang kinatatakutan ng maraming tao ang mga gagamba dahil sa kanilang hitsura at sa pangambang maaari silang kagatin ng mga ito.

Bukod rito, marami ring mabubuhok na galamay ang mga gagamba kaya naman siguradong kikilabutan o mandidiri ang sinumang madikitan o malakaran nito.
Sa buong mundo, mayroong iba’t ibang klase ng mga gagamba tulad ng tarantula. Ngunit dito sa Pilipinas, ang kalimitang makikita ay ang mga gagambang nasa bahay o nasa bukid at iyong mga lumalagi sa dahon ng puno.
Ngunit paano kung ang gagamba ay makikita mo sa loob ng inyong banyo? At papaano kung ang gagambang ito ay mas malaki sa ordinaryong gagamba na makikita sa mga agiw ng inyong bahay?

Sa Facebook group na Memories of Old Manila, ibinahagi ni Carlos Dave ang litrato ng isang gagamba na nasa loob ng kubeta. At ang gagambang ito ay may malalaking galamay at tila may hawak na puting bagay.
Ayon sa mga netizens na nag-iwan ng kanilang comment sa litrato, ang tawag umano doon ay gagambang pare. Habang ang iba naman ay sinasabing ito ay isang huntsman spider. Ang hawak niya umanong puting bagay ay kaniyang mga itlog at naghahanap ito ng mapagtataguan.
Habang ang sabi naman ng iba ay kapag nakakakita ng ganoong gagamba sa loob ng kubeta ay hindi na nila tinatangka pang pumasok dito. Hindi rin umano magandang puksain ang mga ito dahil nagdadala umano ang mga ganitong gagamba ng suwerte.

Sabi rin ng ibang nag-komento, ang itlog daw na hawak nito ay maaaring bilangin at iyon ang itataya sa jueteng. “Huntsman spider yan, di nananakit yan and besides taga ubos ng insekto yan sa cr,” ani ng isang netizen.
Gaano mang nakakatakot ang kanilang hitsura, ang mga gagamba ay may silbi sa bahay dahil bukod sa kumakain sila ng mga insekto, ang kanilang mga sapot ay nagsisilbing bitag din sa ibang insekto sa loob ng bahay.