Lolo na nagtitinda ng balot sa gitna ng ashfall, tinulungan ng netizens

Imahe mula kay Marjhun De Quiros via Facebook
  • Kasalukuyan pa ring nagbubuga ng abo ang Taal Volcano dahil sa pagsabog nito
  • Apektado ang maraming lugar na naaabutan ng ashfall, lalo na ang mga bayan na malapit sa Taal
  • Ngunit sa gitna ng panganib, nakita pa ng isang netizen ang isang lolo na nagtitinda ng balot sa kasagsagan ng ashfall

Hindi inaasahan ang pagsabog ng Taal Volcano noong linggo na nagdulot ng pagbuga nito ng abo. Ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHILVOCS), ang nangyaring pagsabog ng bulkang Taal ay isang phreatic eruption.

Imahe mula sa Tagaytay Cdrrmo via Facebook

Nangyayari ang phreatic eruption kapag ang ground water ay uminit dahil sa magma na nagdudulot ng halos biglaang pag-evaporate ng tubig at sisingaw. Sa pagsingaw ay magbubuga ang bulkan ng steam, bato, at abo.

Nakataas na rin sa Alert Level 4 ang kalagayan ng Taal na patuloy pa rin sa pagbubuga ng abo na nagdudulot ng ashfall sa iba’t ibang lugar na umaabot na rin sa Metro Manila at Bulacan.

Masama ang maaaring idulot ng pagkalanghap ng tao at mga hayop sa ashfall, kaya naman pinapayuhan ang marami na huwag lumabas at huwag iiwan ang alagang hayop sa labas at isara ang buong bahay.

Ngunit sa post na ibinahagi ng netizen sa Facebook, isang lolo ang hindi alintana ang nangyayaring ashfall at pinili pang magtinda ng balot sa may Biñan, Laguna.

Imahe mula sa Tagaytay Cdrrmo via Facebook

Sa post ni Marjhun De Quiros, aniya, kahit umuulan na ng abo at nakararamdam pa sila ng lindol sa Laguna dulot ng pagputok ng Taal ay nagtitinda pa umano si Tatay Poncing.

Maraming netizen ang nakapansin sa post ni De Quiros, at marami ang nagtatanong sa kalagayan ni Tatay. Kaya naman maya’t maya ang pag-a-update sa kanila ni De Quiros.

Imahe mula kay Marjhun De Quiros via Facebook

Dahil na rin sa maraming concerned citizen at sa pagsisikap ni De Quiros na matulungan si Tatay, nalaman nila ang address nito at tinulungan siya sa pamamagitan ng pagbibigay ng groceries at tulong pinansyal mula sa mga netizens na nagpadala kay De Quiros at siya namang pumunta sa bahay ni Tatay .

Ayon kay De Quiros, pasado 9 PM na raw nang makauwi si Tatay mula sa pagtitinda, at hindi pa raw naubos ang paninda niyang balot. Matagal din umano itong hindi nakapagtinda noon dahil may iniindang karamdaman.

Ngayon ay tumigil na sa pagtitinda si Tatay sa gitna ng ashfall, at sa tulong ni De Quiros at ng mga netizens ay nabigyan siya ng mga supply ng pagkain at pera. Ngayon ay umaasa ang marami na sana ay mabigyan siya ng ibang mapagkakakitaan upang hindi na umano siya magtinda ng balot.

Sa mga nais tumulong, makipag-ugnayan lang kay De Quiros sa kaniyang Facebook dito.

Imahe mula kay Marjhun De Quiros via Facebook