
- Inanunsyo ng lokal na pamahalaan ng Makati na mag-dedeploy sila ng disaster-response vehicles para sa mga apektado ng pagsabog ng Bulkang Taal sa Bauan, Batangas
- Kasama na rito ang mobile shower, mobile kitchen, mobile clinics, at mobile water filtration tank
- Sinabi rin ni Makati Mayor Abby Binay na magbibigay siya ng nasa isang libong kumot, timba, at tabo bilang personal niyang donasyon sa mga evacuees
Patuloy ang paghahatid ng tulong ng iba’t-ibang local government units para makabangon ang mga residenteng naapektuhan ng pagsabog ng Bulkang Taal. Isa na rito ang lokal na pamahalaan ng Makati na kamakailan lang ay nag-anunsyo na magde-deploy ng disaster-response vehicles sa Bauan, Batangas.

Sa isang pahayag ni Makati Mayor Abby Binay, sinabi niyang kasama sa kanilang ipapadala ang isang super tanker, dalawang penetrator trucks, mobile filtration system, mobile shower, mobile kitchen, vacuum tanker, at ilang generator sets. Ito raw ay para mapagaan kahit papaano ang dinaranas na hirap ng mga evacuees.
Ipinaliwanag din ni Binay na aabot umano sa 800 meals ang maaaring ihanda sa mobile kitchen. Sa katunayan, nag-umpisa nang magbigay ng sopas at rice meals ang Makati Social Welfare Development.

Dagdag pa ni Binay, katumbas din daw ng walong fire trucks ang super tanker na gagamitin para mabigyan ng sapat na supply ng tubig ang mga apektadong residente. Hindi na rin poproblemahin ng mga evacuees ang paliligo dahil puwede silang magkaroon ng privacy sa tulong ng mobile showers.
Sa isang recent post sa Facebook, ibinahagi na rin ng pamahalaan ng Makati ang ilang litrato ng mga residente na gumamit ng mobile showers. Makikita rito na bata man o matanda ay pumipila dito para makapaligo nang maayos.
Sinabi rin ni Binay na bukod pa sa mga binanggit na sasakyan, magbibigay rin siya ng nasa isang libong kumot, timba, at tabo bilang mga personal donations.
