
- Viral ngayon sa social media ang mga painting ng Pinoy artist na si Emel Espiritu
- Dahil kasi sa sobrang makatotohanan ng kanyang likha, aakalain mo talagang litrato ang mga ito sa unang tingin
- Ipinakita naman ni Emel sa kanyang YouTube account ang naging proseso sa pagpipinta ng kanyang mga artworks
Sa unang tingin ay aakalain mong litrato ang mga painting ng Pinoy artist na si Emel Espiritu. Mula kasi sa balat hanggang sa pinakapinong buhok, matagumpay niyang nilagyan ng mga ‘true to life’ na detalye ang mukha sa kanyang paintings.

Isa sa mga obra niya ay ang larawan ng isang lalaki na tila may suot na kapote. Kapansin-pansin dito ang halos makatotohanang pagpatak ng tubig sa paligid ng mukha ng lalaki. Nakakamangha rin ang kuhang-kuhang pagpipinta ni Emel sa mga hibla ng buhok nito pati ang pagkakagusot sa kanyang suot na kapote.
Dahil sa sobrang makatotohanan ng kanyang likha, kumalat na ito sa social media at hanggang sa ngayon ay umaani ng samu’t-saring papuri mula sa netizens. Umabot na rin sa libu-libo ang reactions sa bawat painting na ipinopost ni Emel.
Kwento pa ni Emel, natapos niya ang hyper-realist na artwork na ito sa loob ng dalawang linggo sa pamamagitan ng oil canvas. Ang hyperrealism ay isang uri ng pagpipinta na halos kahawig ng isang high-resolution na litrato.

Dahil dito, naging sikat ang pangalan ni Emel at patuloy na dumarami ang humahanga sa kanyang talento at galing. Ibinahagi rin ng Pinoy artist sa kanyang YouTube account ang proseso sa kanyang pagpipinta. Kasalukuyang mahigit 11,000 na rin ang kanyang subscribers kaya lubos itong ikinakatuwa ni Emel lalo na’t isa ito sa kanyang mga paraan para malaman ng buong mundo ang tunay na husay ng mga Pinoy.
Maaari niyo ring tingnan ang iba pang artworks ni Emel sa pamamagitan ng pagbisita sa kanyang Facebook page.