
- Inanunsyo na ng PHIVOLCS ang pagkatuyot ng lawa sa loob ng main crater o bunganga ng Taal
- Kapansin-pansin din daw ang mga dagdag na bitak at pamamaga ng crater nito dahil sa sobrang init ng bulkan
- Sunud-sunod na vol
canic earthquakes din ang naranasan ng mga taga-Batangas dahil sa patuloy na pag-aalburuto ng Bulkang Taal
Dulot ng sobrang taas na temperatura ng bulkang Taal, natuyot na ang lawa sa loob ng main crater nito – bagay na inanunsyo ng PHIVOLCS sa bulletin na kanilang inilabas nitong Miyerkules, January 15, 2020.

Base sa mga satellite images na nakuha nila, ipinaliwanag ng PHIVOLCS na sa sobrang init ng bulkan ay nag-vaporize na ang tubig sa lawa at nagresulta sa pamamaga ng main crater. Kapansin-pansin din daw ang karagdagang mga bitak sa bunganga nito.
Dagdag pa nila, ilang bahagi rin ng Pansipit River ang nanuyot na dahil sa bahagyang pagtaas o pag-alsa ng Taal Region bunsod ng sunud-sunod na paglindol. Posible rin daw na mayroong nagaganap na underwater fissure o mga bitak na siyang sumisipsip sa tubig ng ilog. Ang Pansipit River ang nagsisilbing drainage outlet ng Taal Lake.

Sa ngayon, nananatiling nasa Alert Level 4 ang Bulkang Taal na ang ibig sabihin ay posibleng magkaroon ng “hazardous eruption” sa mga susunod na araw. Dahil dito, patuloy na inoobserbahan ng PHIVOLCS ang pag-aalburoto ng bulkan. Nakapagtala rin ang ahensya ng 53 volcanic earthquakes simula 5:00 a.m. hanggang 4:00 p.m. ngayong Miyerkules.
Samantala, kamakailan ay nagbabala ang PHIVOLCS na maaaring magkaroon ng “volcanic tsunami” lalo na’t nasa Alert Level 4 pa rin ang bulkan. Bukod pa rito, sinabi rin nila na maaaring tumagal pa hanggang pitong buwan ang pag-aalburoto ng Taal kaya hinihikayat nila na pansamantalang lumisan ang mga naroon sa danger zones o high-risk areas. Walang tigil din ang kanilang pagpapaalala sa mga residente na mag-ingat sa epekto ng matinding ashfall.