Larong Pinoy: Piko, isa sa mga nagbigay ng tuwa sa maraming bata noon

Image capture from Facebook
  • Kabilang ang larong piko sa mga pinakapaboritong outdoor game ng maraming paslit noon
  • Gamit lang ang chalk o anumang pangguhit sa semento, makagagawa na ng mga linya na kukumpleto sa laro
  • Ayon sa mga “young once”, hindi magastos ang larong ito ngunit labis na tuwa ang naibibigay nito sa mga batang Pinoy

Isa ka ba sa mga nahilig noon sa paglalaro ng piko? Ang mga sementadong bakuran o daan din ba ang naging paraiso ninyong magkababata habang ang dala lamang noon ay mga pangguhit at maliliit na bato bilang pamato?

Image capture from Facebook

Kabilang ang larong piko sa mga pinakapaboritong outdoor game ng maraming paslit noon. Gamit ang chalk o anumang pangguhit sa semento, makagagawa na ng mga linya na kukumpleto sa laro. At siyempre, hindi maaaring kalimutan ang pagkuha ng pamato na maaari na lamang madampot kahit saan katulad ng bato, tansan, at iba pa.

Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon, binalikan ng marami ang masasayang sandali ng piko. Ayon sa mga “young once”, hindi magastos ang larong ito ngunit labis na tuwa ang naibibigay nito sa mga batang Pinoy.

“Nakaka-miss ganiyang laro. Iyan ang nilalaro namin ng mga kapatid ko noong elementary pa kami. Masaya kami,” pagbabalik-tanaw ng netizen na si Cidolian Salana Lian.

“Nagiging malinis lang ang aming daanan noon kapag sumasapit na ang gabi,” ani Jacklyn Bagasbas Fuentes. “Pero ang mga bakas ay hindi nawawala. Naroon pa rin ang guhit dahil sa piko. Kahit anong laro nalalaro namin sa aming daanan. Nakaka-miss talaga.”

Nakaaaliw na kuwento naman ni Maribel Nicolas, “Noong bata pa ako, kahit ako mag-isa lang ang naglalaro ng piko–pero dalawa ang pamato dahil kalaban ko ang sarili ko, para kunwari may kalaro ako.”

Image capture from Facebook

Ikaw, ano ang hindi mo makalilimutan sa laro na ito?