
- Pangarap ng beatbox artist na si JPhil ang ayusin ang basketball court sa kanilang lugar
- Gusto niyang mailayo ang kabataan sa ipinagbabawal na gamot at masamang bisyo
- Paano niya kaya matatapos ang basketball court sa kabila ng mga balakid?
Minsan ang mga pangarap natin ay nakatutok lang para sa ating kinabukasan at ikauunlad ng ating buhay. Subalit may mga taong kasama sa ambisyon nila ang tumulong para sa kapakanan ng kanilang komunidad.

Yan si JPhil o John Phillip Andrade na isang performance artist ng Paliparan 3 ng Dasmariñas, Cavite. Noon pa man napapabalita na ang kanilang lugar dahil sa talamak na gumagamit ng ipinagbabawal na gamot at masamang bisyo. Dahil dito, naisipan niyang ayusin ang kanilang basketball court para mailayo sa ganitong gawain ang kabataan.
Ilang sulat na ang naipadala niya sa LGU ng kanilang lugar ngunit laging hindi ito napagbibigyan. Kaya naman, naglilibot siya upang makahingi ng donasyon. Dahan-dahang nasimulan niya ang kanilang proyekto subalit dumaan siya sa isang pagsubok sa buhay.
Nagkaalitan sila ng kanyang tiyahin kung saan siya nanunuluyan, dahilan upang paalisin siya. Kaya sa isang traysikel siya pansamantalang natutulog upang mabantayan na rin ang semento sa court sa mga magnanakaw.
Walang permanenteng trabahio si JPhil kaya umeekstra siya sa paggugupit at pagmamasahe upang may maibigay din sa kanilang pamilya. Nagtuturo rin siya ng pagb-beatbox sa mga bata, pagsasayaw at nagbabahagi ng salita ng Diyos. Dahil dito, may ilan sa mga napasama rati ang nabago ang buhay.

Sa tulong ng programang Reel Time na nagtampok sa kanya at ni Mike Swift na isang rapper at basketball enthusiast, nabuo ang kanyang pangarap na matapos ang basketball court. Naging adbokasiya na ni Mike ang magpaganda ng basketball court kapalit ng lumang sapatos na puwede pang ayusin at magamit upang ipamahagi sa iba.
Sa wakas, natapos na rin at nagawa nilang mas maganda pa kaysa inaasahan ang basketball court.
Emosyonal na nagpasalamat si JPhil sa lahat ng nagbigay katuparan sa kanyang pangarap. Kumpleto na ang kanyang hangarin para sa komunidad at sa kanyang sarili dahil nagkaroon na rin siya ng permanenteng trabaho.
Mabuhay ka, JPhil! Isa kang inspirasyon sa lahat dahil sa busilak mong puso at magaling na diskarte.
Narito ang video ng pagbuo ng kanilang basketball court.