Lalaking nadapa at nabaon sa utang hindi nawalan ng pangarap, muling nakabangon at yumaman

Imahe via Sherwin Gonzales | Facebook
  • Bata pa lang ay mahilig na umanong dumiskarte si Sherwin upang kumita
  • Ngunit nang magkanegosyo na, naranasan niyang maloko ng isang pinagkatiwalaang buyer
  • Ginawa ni Sherwin ang lahat ng makakaya upang makabangon at muling guminhawa

Minsan kailangan nating madapa upang mas maging matatag at magtagumpay sa buhay.

Imahe kuha mula sa video ni Sherwin Gonzales via Facebook

Itinampok sa Kapamilya Network ang kuwento ni Sherwin Gonzales ng Binangonan, Rizal. Bata pa lang daw siya, mahilig na siyang dumiskarte para magkapera. Nangongolekta siya noon ng mga bote at ibinebenta ito sa junkshop. Kumikita rin umano siya sa kanyang mga kaklase dahil kinokontrata niya ang mga ito na magpagawa sa kanya ng proyekto.

Nang makaipon, pinasok ni Sherwin ang negosyo ng ‘buy and sell’’ ng mga sasakyan. Dito siya nakakilala ng isang buyer na ayon sa kanya ay hindi raw marunong tumawad.  Nang tinanong niya kung ano ang trabaho nito, ang sagot sa kanya, “Wala akong trabaho pero kumikita ako ng P600,000 weekly.” Ikinagulat ni Sherwin ang pagbubulgar na iyon.

Naging interesado siya at umutang ng P2 milyon upang ipasok sa investment. Maganda naman daw sa simula kasi kumikita siya ng P60,000-P70,000 sa isang araw. Subalit hindi ito nagtagal dahil kinalauna’y na-scam lang pala siya.  Dito siya nabaon sa utang, tumanggap ng maraming demand letter at subpoena mula sa mga bangko.  Nagtago si Sherwin at pansamantalang umasa muna sa kanyang kapatid.

Imahe via Sherwin Gonzales | Facebook

Bumangon siya ulit at pinasok ang iba’t-ibang negosyo na puwedeng pagkakitaan.  Naging ahente siya ng lupa, nagdirect selling, nagbuy and sell ulit at nag-aral ng forex trading.

“Lahat ng puwedeng pagkakitaan na laway ang puhunan ginawa ko para makabangon,” kuwento niya. At nakabangon nga si Sherwin. Binayaran niya lahat ng mga utang sa bangko at tinupad din ang kanyang mga pangarap.  Isa na roon ang pagpapatayo ng mansion.

Payo niya, “Huwag mong iasa ang pag-asenso mo sa ibang tao.”

Tayo lang daw ang makagagawa ng istorya ng tagumpay natin. Kaya’t magsumikap tayo at huwag mawawalan ng pag-asa at mangarap muli.

Panoorin dito ang video ni Sherwin.

Imahe kuha mula sa video ng ABS-CBN News via Facebook