
- Tinuruan ng leksyon ang isang taong nang-i-
scam sa text matapos itong balikan ng isa sa kanyang mga pinadalhan ng mensahe - Sa Twitter, ibinahagi ng isang user ang mga screenshot na nakita niya sa Facebook
- Makikita sa mga screenshot kung paano pinalabas ng sinusubukang i-
scam na nakapag-activate ang scammer ng isang subscription na araw-araw babawas ng P10 sa load nito
Naranasan mo na bang makatanggap ng mga mensahe mula sa hindi kilalang numero na nagpapanggap na kapamilya o kakilala mo at pagkatapos ay nanghihingi ng load sa iyo?

Naranasan na rin ito ng isang hindi kilalang tao na pinag-uusapan na ngayon sa isang social networking site. Tinuruan lang naman nito ng leksyon ang isang scammer sa text!
Sa Twitter, ibinahagi ng user na si @christianang_ ang mga screenshot na nakita niya sa Facebook.
“Ma, pa-loadan mo si Ma’am. Nandito na sa akin ang bayad. P200 lang ito. Globe iyan, Ma,” saad ng text na ipinadala ng scammer.
Ngunit sa halip na load ang matanggap ay isang mensahe na halatang nagpakaba rito ang dumating, “Thank you for subscribing to Daily Bible Verse using your mobile #______. This will deduct P10.00 load daily. Be blessed!”
Agad itong nag-reply ng “STOP BIBLE VERSE” at “STOP DAILY BIBLE VERSE”. Gayunman, ang natanggap lamang nitong tugon ay parehong, “Sorry, you have entered an invalid keyword.”
Pagkalipas ng ilang oras nagpadala muli ng mensahe ang ini-scam at sa pagkakataong iyon ay sinabi na nito na mababawasan na ng P10 ang load ng scammer.
Sa huli, nakatanggap ito ng mensahe na makakansela lamang ang subscription nito kung babayaran nito ang P10 para sa unang verse na natanggap nito sa pamamagitan ng paglo-load sa isang certain number–na numero pala ng may-ari ng cellphone!
Matapos matanggap ang ini-load ng scammer, nagpadala na ito ng mensahe na natanggal na ang subscription nito.

Libo-libo na ang nag-retweet at nag-favorite ng nasabing Twitter post.
“Karma is real,” sabi ng mga netizen.