
- Tinulungan ng mga residente ng Taal Island sa Balete, Batangas ang isang lalaki upang iligtas ang kanyang alagang kalabaw
- Sakay ng isang bangka, nagtulong-tulong sila para maisalba ang kalabaw na nabalot ng putik at abo
- Umani ng papuri mula sa mga netizens ang nakaaantig na pangyayaring ito
Maingat na ibinaba sa bangka ang isang kalabaw na nabalot ng abo at putik dulot ng pagsabog ng Bulkang Taal. Dahil sa pagbabayanihan ng mga residente, naibaba sa pampang ang hayop na sama-sama nilang nailigtas.

Sa video na kuha ng Philippine Star, makikita ang naging matagumpay na rescue operation na isinagawa ng mga residente. Pagkababa ng kalabaw mula sa bangka, agad itong pinaliguan ng may-ari na noong mga saglit na iyon ay labis ang saya dahil sa pagkakaligtas ng alaga.
Umani ng papuri sa social media ang mga residente dahil sa kanilang kagandahang asal at pakikitungo sa alagang hayop. Marami ring netizen ang nagpasalamat at nagbigay ng kanilang saloobin tungkol sa pangyayari.
Pahayag ng isang netizen, sana raw ay may aral na mapulot ang publiko mula sa pangyayaring ito — na bukod sa tao ay dapat ding isalba ang mga hayop sa oras ng kalamidad.

Nagpaabot din ng pasasalamat ang isa pang netizen para sa mga residenteng nagligtas sa kalabaw. Aniya, ipinakita nila kung paano ang pagiging responsable at mapagmahal sa mga hayop.
Samantala, pumalo naman sa higit 29K ang bilang ng reactions sa naturang video habang nasa mahigit 6,500 naman ang shares nito.
Patuloy na nagpapaalala sa publiko ang lokal na pamahalaan na bantayan at h’wag iwanan ang mga alagang hayop dahil maaari ring maapektuhan ang kanilang kalusugan dahil sa nalalanghap na abo. Pakiusap din ng animal group na People for the Ethical Treatment of Animals o PETA na bigyang-pansin ang mga hayop ngayong patuloy ang pag-aalburoto ng Bulkang Taal.