Jeep na may dalawang manibela, pinag-usapan sa social media

Imahe mula sa Facebook | Ed Halili
  • Patok ngayon ang Facebook post tungkol sa hindi pang-karaniwang jeep na nasakyan ng isang netizen
  • Sa halip kasi na isa, mayroong dalawang manibela ang jeep na ito
  • Marami rin ang natuwa at nag-share sa naturang post kaya agad itong nag-viral sa social media

Hanggang ngayon, bahagi pa rin ng pagiging Pilipino ang pagsakay sa jeep o ang binansagan nating “Hari Ng Daan”. Hindi kasi maitatanggi na isa ito sa pinaka-ginagamit na pampublikong transportasyon ng mga Pinoy lalo na kung ikaw ay madalas na nagbi-biyahe sa kalakhang Maynila.

Transportation, Manila, Philippines, Transport, Road
Public Domain Image

Pero sa dinami-rami ng mga jeep na araw-araw ay makikita mo sa kalsada, aakalain mo bang ang isa sa mga ito ay may dalawang manibela sa harapan?

Ito ang ikinuwento ng netizen na si Ed Halili sa kanyang viral post sa Facebook.

Makikita kasi sa mga litratong kanyang inupload na totoong may isa pa ngang manibela na naka-puwesto sa unahan ng jeep — bukod pa doon sa ginagamit ng driver! Biro nga ni Ed, akala niya ay siya pa ang magda-drive pagkaupo niya sa unahan.

“Sumakay ako ng jeep, umupo ako sa front seat… kinabahan ako! Akala ko ako magdadrive,” pakwelang pahayag niya sa caption.

Sa ngayon, umabot na sa mahigit 26,000 reactions at 32,000 shares ang naturang post. Kinaaliwan din ng netizens ang kakaibang jeep na ito at naisipan pang i-halintulad sa ibang bagay.

Sabi nga ni Jemuel Fajardo, para itong eksena habang naglalaro ka tapos gusto rin maglaro ng kapatid mo kaya binigyan mo siya ng controller na hindi nakasaksak.

Imahe mula sa Facebook | Jemuel Fajardo

Komento naman ni Ken Garais, gusto niyang masubukan na umupo doon balang araw. “Nice! Nice concept! Hahaha I would totally love to sit there!” saad niya.

Ang kasaysayan ng jeep ay nagsimula sa Pilipinas noong early 1950s at nang lumaon, ito ay naging solusyon para sa post-war public transportation problem. Naging simbolo na rin ito ng kultura natin at tumatak bilang ‘classic trademark’ ng mga Pinoy.