
- Isa ang pagguhit sa mga pinakapaboritong gawin ng mga bata
- Para sa kanila, ang lahat ng maiguguhit nila ay isang obra: maganda, maipagmamalaki, malaya
- Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon, binalikan ng mga “young once” ang mga iginuhit nila noon
Natatandaan mo pa ba ang mga iginuguhit mo noong bata ka? Simula sa pagguhit ng mga puno’t bulaklak hanggang sa pagguhit ng dream house o tanawing katulad ng sunset, hindi maikakaila na bukod sa paglalaro ay pagguhit ang isa pa sa mga nagpapasaya sa mga paslit.

Para sa kanilang mga bata, ang lahat ng maiguguhit nila ay isang obra: maganda, maipagmamalaki, malaya.
Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon, binalikan ng mga “young once” ang mga iginuhit nila noon at kung gaano sila napasaya ng pagkakalikha nila sa mga ito.
“Ako dati, iyong bundok hugis talampas, iyong bukid mukhang dagat, iyong kalabaw mukhang daga,” pagbabalik-tanaw ng social media user na si Bannedkyaq Barrera.
“Ako, ang iginuguhit ko noon ay talagang kumpleto. Bukod sa bundok, araw, mga ibon, at bukirin, may dagat pa at bangka. At lumaki ako na mahilig sa arts,” pagbabahagi ni Violet Vera Cruz.
“Ako noon, may swimming pool pa na kasama at may ilog,” ani Ner-Win Tumaca.
“Country scene ang paborito kong i-draw. May mga ibon pang lumilipad sa alapaap. May mga bulaklak sa paligid ng bahay,” kuwento ni Mamerta Remon.
Pagbabahagi naman ni Len Bells, “Ang hilig kong i-draw noong elementary ako ay ‘yong bangka na nasa gitna ng dagat. Tuwang-tuwa na ako ‘pag nakikita ko ‘yon sa books. Nakapag-asawa ako ng ang bahay ay tapat lang ng dagat.”

Ikaw, natatandaan mo pa ba ang mga madalas mong iginuguhit noon? Naitabi mo pa ba ang mga ito? Ano-anong gunita ang sumasagi sa isip mo kapag nakikita ang mga ito?