Deboto ng Black Nazarene, nag-propose sa kaniyang kasintahan sa gitna ng Traslacion 2020

Imahe mula Manila PIO via Facebook
  • Isang magkarelasyon na kapuwa deboto ng Itim na Nazareno ang dumalo sa traslacion 2020
  • Ngunit sa gitna ng kaguluhan dahil sa dami ng tao, nagawa pa ng nobyo na dumiskarte ng paraan para makapag-propose sa kaniyang nobya
  • Saksi ang ibang mga deboto sa naging matagumpay na proposal, at inaasahang magpapakasal na ang magkasintahan sa darating na Marso

Kada taon, milyon-milyong mga deboto ng Itim na Nazareno o Black Nazarene mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa ang pumupunta ng Maynila upang makibahagi sa prusisyon ng Nazareno o tinatawag rin na traslacion.

Imahe mula sa Manila PIO via Facebook

Ang Itim na Nazareno ay isang life-size na estatwa ni Hesus habang pasan niya ang mabigat na krus. Ito ay pinaniniwalaang gawa ng isang skulptor mula Mexico at dumating dito sa Pilipinas noong taong 1600.

Ang istatwa ng Itim ng Nazareno ay nakalagay sa Quiapo church at kada taon ay inilalabas ito at iniikot sa buong Maynila upang makita, mahawakan, at mahipo ng panyo ng milyon-milyong deboto.

Pinaniniwalaan na nag-umpisa ang traslacion noong 1787 nang ilipat ang imahe ng Itim na Nazareno mula sa Rizal Park kung saan ito dati nakalagay patungong Quaipo church.

Sa pagdaan ng maraming taon, parami na rin nang parami ang mga deboto ng Nazareno, at kada taon rin ay mas maraming tao ang pumupunta sa traslacion.

Imahe mula sa Manila PIO via Facebook

Para sa mga deboto, ang makita at mahawakan ang Poon ay nakapagpapagaling umano ng anumang sakit at nagbibigay din ng blessings at himala.

Ngunit isang debotong magkasintahan ang nakaranas ng ibang grasya sa gitna ng traslacion ngayong taon. Dito kasi nag-propose ang nobyo ng kasal sa kaniyang kasintahan na buong lugod naman na tinanggap ng huli.

Sa ulat ng 24 Oras, magkasama umanong dumalo ng traslacion ang magkasintahang sina Kim Noel Yamat at Mary Joie Flores. At habang nagdiriwang ang lahat, dito umano inalok ni Yamat ng kasal ang kaniyang nobyang si Flores.

Imahe mula sa Manila PIO via Facebook

Naging laman ng mga balita ang proposal na naganap, at masaya naman ang magkasintahan na naging saksi nila ang mga kapuwa deboto. Sa darating na Marso ang planong pagpapakasal ng dalawa.

Panoorin ang ulat tungkol dito: