
- Kabilang sa mga bida sa tuwing may pista ang mga laro sa perya; katulad ng balloon pop, color game at iba pa
- Bagama’t suwertihan lang ang ibang laro at madalas na nakauubos ng pera, hindi maikakaila na maraming masasayang alaala ang kakabit na ng mga “perya game” na ito
- Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon, binalikan ng social media users ang masasaya nilang sandali habang naglalaro ng perya games
Hindi maikakaila na kabilang sa mga bida sa tuwing pista ang mga laro sa perya; klasik, masaya, at bahagi na ng tradisyon.

Bagama’t suwertihan lang sa ibang mga laro — at mas malaki ang posibilidad na maubusan ka ng pera kaysa makapag-uwi ng premyo — hindi maikakaila na maraming masasayang alaala ang kakabit na ng mga “perya game” na ito, kaya naman hanggang ngayon ay hindi naluluma ang pagkahilig dito ng mga Pilipino.
Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon, binalikan ng social media users ang masasaya nilang sandali habang naglalaro ng perya games; katulad ng balloon pop, color game at iba pa.
“Ako, color game at veto veto ang favorite ko. Dumadayo pa kami ng mga barkada ko sa ibang barangay para magperya,” pagbabahagi ng social media user na si Cesar Arroyo.
“Salamat sa nagbabantay na babae at nagbigay akin ng libreng Peewee noong bata ako kahit ‘di ako naka-shoot ng 25 sentimos sa mga parisukat,” kumento ni Sappiryuri Idunnorn.
“Ako, no’ng maliit pa ako, lagi ako sa peryahan haha. Pagkatapos ng pista sa bayan namin dadayo pa kami sa karatig-bayan kasi bitin kami. Three days lang pista namin no’n,” kuwento ni MayAn Marcelino Torrado Sucuano.

Saad naman ni Baby Heart, “Hahaha iyong nakamagkano ka na muna bago nakatama ta’s ‘pag nakuha mo na iyong Peewee tuwang-tuwa ka na. Kung tutuusin, kahit ilang Peewee na sana nabili mo sa halagang naitalo mo, pero wala e masaya kasi nakaka-enjoy at ang sarap sa feeling na iyong kinakain mo galing sa hirap.”