
- Isa ang bandang Kamikazee sa mga kinikilalang OPM rock bands sa music industry dito sa bansa
- Pagkatapos ng kanilang hiatus, muling magbabalik ngayong taon ang banda
- Sa kanilang mga social media pages, nagbahagi ang Kamikazee ng litrato ng bagong band lineup kasama ang nadagdag na dalawang miyembro
“Sa mga ulap sumisilip, sa likod ng mga tala, kahit sulyap lang darna…” Sino nga bang solid OPM fan ang hindi nakakaalam sa mga lyrics ng kantang ito?

Ang 2006 OPM hit na “Narda” ay mula sa iconic OPM rock band na Kamikazee. Bukod rito, nakilala rin sila sa mga kantang “Huling Sayaw” at “Martyr Nyebera.”
Laman ng mga hit charts at naging suki sa mga events at festivals ang Kamikazee dahil sa galing ng banda sa pagtatanghal at connection nila sa mga fans at tagapakinig.
Ngunit noong 2015, naisipan ng Kamikazee na tumigil muna sa pagtatanghal upang makapag-focus sa kaniya-kaniyang personal na buhay ang kanilang mga miyembro. Ito ay inanunsyo ng banda sa kanilang Facebook page at nagkaroon pa sila ng farewell concert.

Pagkatapos ng dalawang taong hiatus, nagkaroon ang Kamikazee ng comeback noong 2017. Kasabay ng kanilang pagbabalik entablado ay ang paglabas ng kanilang kantang “Tagpuan” na agad namang tinangkilik ng mga OPM fans.
Sa kanilang pagbabalik ay nagtanghal muli ang banda sa iba’t ibang concert at events. Naglabas din ang banda ng kanilang sariling merchandise ng mga damit at sumbrero.

Sa umpisa ng 2020, may bagong aabangan sa banda na makikita sa litrato ng band lineup na ibinahagi nila sa social media. Sa litrato kasing ito ay may nadagdag na dalawang bagong miyembro sa banda.
Ang dalawang nadagdag na miyembro ay mga rising female musicians na sina Mikki Jill — dating bokalista ng bandang FIONA, at Jian Lubiano, guitarist ng all-female band na Catfight.
Ang dalawa ay kumpirmadong makakasama sa mga upcoming shows, events, at concert ng banda.