Balik-tanaw: Mga alaalang nabuo dahil sa old school na radyo ng ating mga lola at lolo

Image via Pixabay
  • Noong hindi pa moderno ang laruan ng mga bata, maging ang simpleng radyo ay nagiging libangan
  • Dito ay hindi lamang nakikinig ng musika ang mga bata, may mga sinusubaybayan din sila na drama
  • Sa post ng Batang Pinoy-Ngayon at Noon, binalikan ng marami ang mga alaalang nabuo dahil sa old school na radyo ng kanilang mga lola at lolo

Bago pa nalikha ang mga modernong laruan at gadgets, maging ang simpleng radyo ay nagiging libangan noon ng napakaraming batang Pilipino. Bukod sa pakikinig ng musika, may mga sinusubaybayan din na drama rito ang mga bata.

Image capture from Facebook

Sa Facebook page ng Batang Pinoy-Ngayon at Noon, binalikan ng mga “young once” ang mga alaalang nabuo dahil sa old school na radyo ng kanilang mga lola at lolo. Sino nga ba ang makalilimot sa mga panahong iniligtas sila nito sa pagkainip at pagkabagot?

“Lagi akong nakikinig ng Zimatar, Kapitan Radam, at Gabi ng Lagim. Nakaka-miss ang panahon na iyon, tahimik at masagana ang produkto ng lolo at lola ko sa bukid. Ang dami nilang native na manok na lagi kong tinitirador ang mga sisiw, mga pabo na kung saan-saan lang nangingitlog at nilalaga ko na hindi nila alam, pati native na baboy marami sila,” pagbabahagi ni James Richard Nisola, na naikabit na sa mga programa sa radyo ang mga masasayang alaala ng kanyang kabataan.

“Pinapasan pa ‘yan sa balikat ng tito kahit magsusuga ng kalabaw kasi raw ‘yong mga drama sinusubaybayan niya ay mula kay Kapitan Radam, Zimatar, Diego Bandido,” kuwento ni Rhonel Marbella.

Samantala, naalala din ng iba kung paano ito naging regular na bonding experience para sa mga bata at matatanda na nakikinig ng musika o kumakanta kasabay ng mga sikat na awiting tinutugtog dito, at sama-samang inaabangan ang mga paborito nilang drama at iba pang programa na sa radyo lamang mayroon.

Pagbabalik-tanaw naman ni Arceli Baris, “Tapos pag mahina na ‘yong battery, ibinibilad sa araw na parang nire-recharge.”

Image via Pixabay