
- Ang kulambo na ikinakabit bilang proteksyon sa mga lamok ay naging kanlungan din ng napakaraming alaala ng kabataan
- Naging sagisag din ito ng pagmamahal ng mga magulang na nagtitiyagang magkabit gabi-gabi; bumuo ng kakaibang “bond” sa magkakapatid na magkakatabi sa isang higaan
- Sa isang post, binalikan ng marami ang masasayang bahagi ng kanilang kabataan na ibinabalik ng kulambo
Naabutan mo ba ang panahon noong marami pa ang gumagamit ng kulambo sa kanilang mga bahay?

Ang kulambo na ikinakabit bilang proteksyon sa mga lamok ay naging kanlungan din ng napakaraming alaala ng kabataan. Memorable para sa mga simpleng Pilipino ang gamit na ito. Naging sagisag din ito ng pagmamahal ng mga magulang na nagtitiyagang magkabit gabi-gabi at bumuo ng kakaibang “bond” sa magkakapatid–o minsan ay sa buong pamilya–na magkakatabi sa isang higaan.
Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy-Ngayon at Noon, binalikan ng marami ang masasayang bahagi ng kanilang kabataan na ibinabalik ng kulambo na inilalagay palagi sa itaas ng kama.
“Ganiyan gamit namin noon, malaking kulambo. Nakaka-miss kasi lahat kami, buong pamilya, magkakatabi,” wika ni Jacky Mariano.
“Usong-uso ‘yang kulambo noong bata pa kami kasi nga pang-rich lang ang naka-screen ang house noong araw,” ani Sarah Jane Montalban-Lee. “But until now, may iba pa rin gumagamit ng famous na kulambo.”
“Magkakasama kami sa isang kulambo kasi sadyang ipinapagawa ng nanay ko ‘yon na kasing laki ng kuwarto namin,” kuwento ni Geneveve Gonzaga Ayuco. “Pito kaming magkakapatid tapos nakikinig kami ng drama.”
Pagbabahagi naman ni Precy Lerdon, “Sa lola ko sako noon ang kulambo namin. Sarap matulog, walang lamok talaga na makakapasok kaya dumadayo kami sa bahay ng lola ko para roon matulog dahil sa kulambo.”

Gumagamit din ba kayo ng kulambo noong bata ka? Ano ang hindi mo makalilimutan dito?