
- Noong marami pang lugar sa bansa ang hindi naaabot ng elektrisidad, maliit na tanglaw lamang ang pinagmumulan ng liwanag sa isang tahanan
- Sa Facebook, binalikan ng admin ng isang page ang mga panahong wala pang kuryente sa kanilang lugar
- Sa kabila nito, masaya pa rin daw ang medyo madidilim nilang bahay lalo na’t magkakasama ang pamilya
Gasera, lampara–o kung ano pa man ang tawag. Noong marami pang lugar sa bansa ang hindi naaabot ng elektrisidad, maliit na tanglaw lamang ang pinagmumulan ng liwanag sa isang tahanan.

Sa Facebook, binalikan ng admin ng Batang Pinoy-Ngayon at Noon kung paano ang buhay sa kanilang lugar noong hindi pa ito naaabot ng elektrisidad; kung paanong maliit na liwanag lamang ang nagsisilbing tanglaw ng kanilang tahanan. Ngunit ayon sa social media users, sa kabila nito ay naging masaya pa rin ang medyo madidilim nilang bahay, lalo na sa tuwing buo at magkakasama ang pamilya.
“Maliwanag naman ‘yan noon sa bahay namin kasi nasa bundok pa kami noon, may lupa pa kami sa South Road. Magsisindi ng lampara para sa altar tapos kukunin na ang gasera. Masarap isipin o alalahanin noong nabubuhay pa mga magulang namin. Sa liwanag ng gasera na gamit namin, maraming kuwento sina Tatay at Nanay; may tawanan, may nakakatakot. Tapos mayamaya ay magsisitulog na,” kuwento ni Angelina Guevarra. “Salamat sa gasera.”
“We make shadow animals using our fingers!” pagbabalik-tanaw ni Vangie Navarro.
“Matagal, halos 10 years kami na ‘yan ang aming ilaw,” pag-aalaala ni Fidel Arlyn Comia.
“Iyan ang nagpaalala sa atin kung paano tayo hinubog ng panahon,” wika ni Joy Princess Marantal habang binabalikan kung gaano katiyaga ang mga tao noon kahit napakasimple ng buhay at kaunti lamang ang gamit. “Naging matiyaga tayo maabot lang ang tagumpay kahit ganiyan ang ilaw.”
