
- Nagsanib puwersa ang ilang empleyado ng First Asia Institute of Technology and Humanities (FAITH Colleges) para i-develop ang BakwitFinder App and Web Link
- Sa tulong kasi ng app na ito, mas mapapadali ang paghahatid ng ayuda sa mga bakwit dahil maaari ka nang makakuha ng impormasyon tungkol sa profile ng iba’t-ibang evacuation centers
- Bukod pa rito, puwede mo ring malaman ang pangunahing pangangailangan ng mga bakwit dahil kasama ito sa mga impormasyong ibibigay ng app
Mas mapapadali na ang paghahatid ng tulong sa mga bakwit dahil sa isang app na kasalukuyang dine-develop ng First Asia Institute of Technology and Humanities (FAITH Colleges) sa Tanauan, Batangas.

Ito ang BakwitFinder App and Web Link na layong magbigay ng impormasyon tungkol sa profile ng mga evacuation centers. Kasama rin sa mga puwedeng makuhang detalye rito ay ang listahan ng mga pangunahing pangangailangan ng mga bakwit.
Ayon sa Facebook page ng FAITH Colleges, sila ay buong puwersang nagtutulungan para makumpleto ang development ng BakwitFinder. Nag-upload din si Ecila Etrocal ng ilang mga larawan ng kanilang team habang ginagawa ang app.

“TeamFAITH working continuously in the AILab to complete the BakwitFinder app and web link! Anyone can search for the profile of the evacuation centers including their immediate needs and the location of an individual evacuee! Link to follow SOON!”, pahayag ni Ecila.
Dagdag pa niya, ginagawa rin ng team ang abot ng kanilang makakaya para magamit ang BakwitFinder ng mga kababayan natin sa loob at labas ng bansa.
Samantala, umabot na sa daan-daan ang bilang ng shares ng post at umaani na rin ng papuri ang proyektong ito mula sa mga netizens.
Komento nga ng Facebook user na si Angelika Malabuyo, talagang kailangan ang app na ito para marating ang mga lugar na wala pa gaanong donasyon at maihatid din ang iba pang mga ayuda para sa kanila.
Ikinatuwa rin ng isa pang user na si Edison Manalo ang bilis ng pag-iisip ng mga Batangueno. Aniya, hindi lang donasyon ang ‘overflowing’ kundi pati rin mga ideas nila.