Babae, nakipagkita sa nagpasakay sa kanya sa kabayo sa Bulkang Taal noong 2014 upang magpaabot ng tulong

Imahe via Zeth Gut'z Mendoza | Facebook
  • Minsang sumakay si Zeth ng kabayo sa pagpasyal niya sa Bulkang Taal noong 2014
  • Humanga siya sa lalaking gumabay sa kanya dahil sa buong pusong pagserbisyo nito
  • Hinanap ni Zeth ang lalaki sa hangaring magpaabot ng tulong dahil sa pagputok ng bulkan

Naalala pa ni Zeth Gut’z Mendoza ang pagpunta niya sa Bulkang Taal noong Mayo 2014.  Sumakay siya ng kabayo at sinamahan ng tagadala nito.

Imahe via Zeth Gut’z Mendoza | Facebook

Ngunit hindi malilimutan ni Zeth ang tagpong iyon dahil napahanga siya sa lalaking tag-bantay ng kabayo.  Sabi niya, “Malaking utang na loob ko sa batang iyan dahil mas priority niya na safe ako sakay ng kabayo at siya eh naglakad na lang paakyat at pababa sa matarik na bundok na nakaapak pa.”  Dahil dito, binigay niya ang kanyang relo sa binata at sinabi niyang kahit daw masira ito, huwag iwawala.

Sa nangyari ngayon sa Bulkang Taal biglang naisip ni Zeth ang kalagayan ng lalaking iyon at baka nangangailngan ito ng tulong niya.  Kaya ibinahagi ni Zeth ang kanyang kuwento sa Facebook .

Pahayag niya sa kanyang post,”Alam kong kailangan ng family niya ng tulong ko sa paraang kaya ko po.  Sa mga taga Pulo sana maiparating ito sa kanya at i-PM niyo po ako.”

Marami ang tumugon sa kanyang panawagan at nagbigay ng impormasyon.  Hindi nagtagal at nalaman niyang nasa Inusloban evacuation center ang lalaking Allan pala ang pangalan.  Nakipagkita siya at isang masayang litrato ang ibinahagi niya sa Facebook.  Kasama ni Allan ang kanyang  asawa at babaeng anak.

Imahe via Zeth Gut’z Mendoza | Facebook

“Finally, we have met.  God is good.  Deserve mo iyan dahil mabuti kang tao.  Makakabangon din.  Tiwala lang po kay God.”

Umabot sa 1.8K reactions ang larawang ito.  Natuwa man si Zeth dahil nagkita silang muli, nalungkot din siya nang malamang wala na raw ang kabayong sinakyan niya.   Wala na rin daw babalikang bahay si Allan at ang kanyang pamilya.

Malaki ang pasaaslamat ni Zeth sa lahat ng tumulong sa kanya.  Payo niya,  “Tuloy lang po ang buhay. Laging may pag-asa”