
- Ikinatuwa ng anime fans ang balita na puwede nang mapanood ang iba’t-ibang Studio Ghibli films sa Netflix
- Magsisimula ang first batch ng streaming nito sa ika-1 ng Pebrero 2020
- Ang Studio Ghibli ay isa sa mga pinakakilalang animation companies sa buong mundo
Excited na ang anime fans na ulit-uliting panoorin ang kanilang mga paboritong Japanese movies. Ito’y matapos ianunsyo na ipapalabas na sa Netflix ang entire catalog ng Studio Ghibli – ang kumpanya sa likod ng mga popular animes nina Hayao Miyazaki at Isao Takahata.

Ayon sa Netflix, magsisimula ang streaming ng unang batch ng Studio Ghibli films sa Pebrero. Kabilang dito ang mga ‘classics’ tulad ng “My Neighbor Totoro” at “Kiki’s Delivery Service”. Susundan ito ng ikalawang batch sa Marso kung saan ipapalabas ang Academy-Award winning movie na “Spirited Away”, habang mapapanood naman sa Abril ang huling pitong films ng kumpanya kasama ang “Howl’s Moving Castle”.
Dagdag pa ng hit-streaming company, may kasamang mahigit na 28 subtitles at halos 20 dubs ang mga pelikula na maaaring mapanood sa Africa, Asia Pacific, Europe, Latin America, at Middle East.
Bukod pa rito, dahil buong catalog nga ang ipapalabas sa Netflix, maraming fans ang sobrang nasabik at nag-share ng ‘good news’ sa social media. Sa katunayan, pumalo na sa mahigit 2.8 million views, 68,000 reactions at 63,000 shares ang Facebook post ng Netflix tungkol dito.

Samantala, ilang fans naman ang nalungkot dahil hindi nakasama ang “Grave of the Fireflies” sa listahan ng mga pelikulang puwedeng mapanood. Paliwanag sa isang report, ito ay dahil hindi raw hawak ng Studio Ghibli ang publishing rights para dito.
Gayunpaman, tuloy-tuloy pa rin ang pag-aabang ng fans para sa streaming ng paboritong animes nila. Maaari niyong alamin ang kumpletong listahan at schedule ng mga pelikula sa pamamagitan ng pag-click sa link na ito.