
- Agaw-pansin ang branch ng isang popular na fastfood restaurant sa Taupo, New Zealand
- Ito ay dahil mayroong sariling vintage aircraft ang restaurant kung saan puwedeng kumain ang mga customers
- Marami ring netizens ang nagpahayag ng interes at kagustuhan na bumisita sa lugar
Siguradong saglit na mapapahinto, mapapatingin, at mamamangha ang kahit sinumang mapapadaan sa lugar na ito sa Taupo, New Zealand. Isang popular na fastfood restaurant kasi ang nakatayo dito pero hindi tulad ng mga ordinaryong gusali na ating kinakainan, may kakaiba at ‘one-of-a-kind’ na design ang branch ng McDonald’s doon.

Sa unang tingin, agad mong mapapansin ang malaking eroplano na bahagi ng restaurant at ang tanong ng karamihan ay kung puwede bang kumain doon o hindi. Ang sagot? Isang malaking oo!
Tinagurian bilang “world’s coolest McDonald’s restaurant”, mayroong 20-seat dining room ang loob ng eroplano na talagang patok lalo na sa mga turista. Kaliwa’t kanan din ang kumakalat na litrato nito sa internet dahil sa “airplane ride feels” ng restaurant. Bukod pa rito, naka-automated ordering din sila at may dual band WiFi at plugins pa.

Ayon sa isang ulat, ikinuwento ng owner nito na si Eileen Bryne na dating bahagi ng car dealership na “Aeroplane Car Company” ang site na kasalukuyang kinatatayuan ng kanilang restaurant. Dahil dito, kasama na ang DC-3-twin-propeller aircraft noong binili ng McDonald’s ang lugar noong 1990.
Samantala, marami namang netizens ang nagpahayag ng interes at kagustuhan na bumisita sa McDonald’s Taupo balang araw. Kanya-kanyang tag na rin sa viral Facebook post ang ilang Pinoy na na-amaze sa disenyo ng restaurant. Komento nga nila, amazing, cool, at maganda raw ng branch na ito.
Ang Taupo ay isang bayan na malapit sa center ng North Island ng New Zealand. Kilala ito dahil sa lakefront setting ng lugar at samu’t-saring outdoor sports kagaya ng fishing at jet boating.