
- Ibinahagi ng isang netizen ang kuwento ng lolo na kaniyang nakitang namimili ng mga damit sa ukay-ukay
- Ayon sa netizen na ito, ang mga damit umano na pinipili ng lolo ay ipangreregalo umano niya sa kaniyang asawa
- Maraming netizens naman ang humanga sa kuwento ng lolo at sa wagas niyang pagmamahal sa kaniyang asawa sa kabila ng kanilang katandaan
“Kung tayo ay matanda na, sana’y ‘di tayo magbago…” ito ay lyrics sa isa sa mga classic Original Pinoy Music o OPM na alam halos ng maraming Pinoy, mapa-bata man o matanda.

Lahat tayo ay inaasam na makita ang “one true love” at makasama ang taong ito habangbuhay. Kaya naman marami ang nais makakita ng kanilang “soul mate.”
Sa panahon ngayon, maraming tao ang humahanga sa mga matatanda na sa kabila ng kanilang edad ay lubos pa rin ang pagmamahalan. Tulad na lamang ng isang lolo na nakilala ng netizen habang siya ay namimili sa ukay-ukay.
Sa post na ibinahagi ni Janina Ulanday sa Facebook na mayroon na ngayong mahigit 121,000 reactions at 68,000 shares, ikinuwento niya ang naging pag-uusap nila ng lolong kaniyang nakita sa isang bilihan ng damit.
Napansin na umano niya ang matanda pagpasok pa lamang sa tindahan. Ang lolo kasi na ito ay namimili ng mga damit pambabae. Kaya naman nilapitan at inusisa siya ni Ulanday.

Tinanong umano ni Ulanday ang lolong si Tatay Gaspar kung para kanino ang pinipiling mga damit. “Para sa misis ko. Maganda ba?” tanong umano ng lolo kay Ulanday habang pinapakita ang damit.
Natuwa naman si Ulanday nang malamang para sa asawa niya ang pinamimiling damit ni Tatay Gaspar. Kaya naman sinabi ni Ulanday na maganda ang damit na kaniyang napili.
“Hindi pala sayang ‘yung tagal kong naghanap. Para kay misis ‘to. Para may pang-alis siya. Salamat ha?” ani pa umano ni Tatay Gaspar na ikinalambot ng puso ni Ulanday.
Ayon din sa kaniya, naghanap pa umano ang matanda ng mga palda upang pang-pares sa nabiling blouse.

“And this scene touched my heart. He’s old. He walks slow, cannot stand straight but despite all these, he still managed to go to store to buy somehing for his wife,” ani Ulanday sa kaniyang post.
Marami namang netizens ang naantig dahil sa kuwentong ito ni Ulanday. Ganitong klaseng kuwento ang nagpapatunay na totoo at nangyayari ang wagas at tunay na pagmamahalan.
