18 anyos na SHS student, nakapagpatayo ng kaniyang sariling clothing line

Imahe mula Instagram / @coziest
  • Sa edad na 18, isang senior high school student ang mayroon na ngayong sariling clothing line na “coziest”
  • Ang estudyante na rin na ito ang gumagawa ng designs, namamahala sa pag-print ng mga damit, tumatao sa kanilang booth, at nagiging model
  • Tinatangkilik na rin ng ibang celebrities ang nasabing clothing line
Imahe mula Instagram / @coziest

Karamihan ng mga kabataan ngayon ay nagsisikap sa pag-aaral upang makapagtapos ng pag-aaral at magkaroon ng magandang kinabukasan.

Samantalang mayroon din namang mga estudyante ang namamasukan na sa trabaho bilang part-time employees para lamang kumita ng pera at matustusan ang kanilang pag-aaral.

Ngunit sa panahon ngayon ng teknolohiya at modernisasyon, hindi na lang pagpasok sa trabaho ang nakikitang paraan ng iba upang kumita ng pera. Isa sa mga maaaring paraan ngayon ay ang pagbebenta online.

Imahe mula Instagram / @coziest

Para sa estudyanteng si Richard Zshornack, sinamantala niya ang benepisyong hatid ng social media at ang kaniyang pagkahilig sa fashion upang makapagtayo ng sariling negosyo sa edad lamang na 18 anyos!

Si Zshornack ay isang senior high school student na kumukuha ng STEM (Science, Technology, Engineering and Mathematics) sa Colegio de San Juan de Letran – Manila.

Ayon sa artikulong inilabas ng Candy Mag, pangarap umano ni Zshornack na makapasok sa industriya ng fashion at gamitin ito upang magkaroon ng “connection” sa pagitan ng mga tao.

Imahe mula Instagram / @coziest

At dahil alam ng kaibigan ni Zshornack na si Neil na mahilig ito sa fashion, biniro niya itong dapat ay magtatag na siya ng sariling kompanya. At ang birong ito ay humantong sa pagbuo ng sarili nitong street clothing line na “Coziest.”

Ayon kay Zshornack, ang salitang ‘coziest’ ay angkop umano sa kaniyang brand, “When you are comfortable with what you wear, your confidence builds up. I envisioned how amazing it [would] be to share my ideas and designs with people through this brand.”

Dagdag pa niya, “I imagined how good it would feel [to see] friends bond over my designs, connect, and wear them on the streets, feeling cozy as ever, as how it should be.”

Imahe mula Instagram / @coziest

Si Zshornack din ang taga-design, tagapamahala ng printing, at minsan ay taga-model ng mga damit na kaniyang dinidisenyo at ginagawa. Makikita naman sa social media ang litrato ng batikang news anchor na si Julius Babao habang suot-suot ang isang jacket mula sa Coziest.

Sa ngayon ay mayroon nang 12,000 likes ang Coziest sa Facebook at mahigit 3,000 followers naman sa Instagram. Namataan din ang Kapamilya celebrity na si Edward Barber na suot ang damit mula sa Coziest.

Inspirasyon para sa maraming kabataan at mga Pinoy na nagbabalak magtatag ng kanilang sariling negosyo ang kuwentong ito ni Zshornack.

Way to go, Zshornack!