
- Kinaaliwan ng marami ang mga larawang kuha sa journal ng isang netizen noong siya ay nasa ikaapat na baitang pa lamang sa elementarya
- Sa mga pahina sa journal ni Jhane Marie, mababasa ang tungkol sa kanyang crush na si King, na hindi raw pumapayag na maging crush niya
- May isinulat din siya tungkol kay Marc na sinabihan niyang mas mainam na maging kaibigan na lamang niya
Nagsusulat ka rin ba sa journal noong nasa elementary ka?

Katulad ng pagpapasagot sa autograph notebook, naging popular din noon sa marami ang pagsusulat sa journal o diary; inihahayag ang mga damdamin sa pamamagitan ng pagsusulat sa kuwadernong puno ng pambatang disenyo. Laman nito ang mga emosyong malaking bagay para sa isang bata ngunit karamihan ay pinagtatawanan na lamang noong lumaki na; gaya ng first crush, puppy love, at iba pa.
Sa Facebook, kinaaliwan ng marami ang mga larawang kuha sa journal ng netizen na si Jhane Marie noong siya ay nasa ikaapat na baitang pa lamang sa elementarya. Sa mga pahina sa journal ni Jhane Marie, mababasa ang tungkol sa kanyang crush na si King, na hindi raw pumapayag na maging crush niya pero batid niyang kinikilig din naman daw sa kanya.
“King, totoo ba iyong sinasabi ni Jemalyn na may nakalagay sa kamay mo na ‘Jhane love King’? At saka nagtataka ako na ako sa ‘yo kasi lagi mo na lang ako pinagtitripan. King, ‘di ba hindi ka pumayag na maging crush kita?” saad ni Jhane. “King, kailan mo ba tatanggapin na maging crush kita? Kunwari ka pa, may gusto ka rin sa akin, kasi noong sinulat kong crush kita, kinilig ka naman.”

May isinulat din siya tungkol kay Marc na sinabihan niyang mas mainam na maging kaibigan na lamang niya; na-“friendzone” kumbaga, kung sa salita ng bagong henerasyon.
Aniya, “Marc, kapag nagkita tayo patatawarin kita pero wala munang crush. Kasi ang crush mag-aaway lang, ang magkaibigan hindi.”
