
- Bago dumating ang panahon na halos lahat ay mayroon nang computer at laptop, naging malaking bahagi muna ng sistema ng marami ang typewriter
- Ginagamit ito sa school at office works, maging sa mga sulat na nais mong maging mas presentable; ito ay karagdagang kasanayang maituturing
- Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon, binalikan ng marami ang mga gunitang naipon nila noong uso pa ang paggamit ng typewriter
Sino nga ba ang makalilimot sa “panahon ng typewriter”?

Bago dumating ang panahon na halos lahat ay mayroon nang computer at laptop, naging malaking bahagi muna ng sistema ng marami ang paggamit ng typewriter; estudyante ka man, nag-oopisina, manunulat, kahit sino ka pa.
Ginagamit ito sa school at office works; maging sa mga sulat na nais mong maging mas presentable, personal man o hindi.
Itinuring na karagdagang kasanayan ang pagiging maalam sa paggamit nito, kaya naman nagkaroon na rin ng mga typing class. Tinitiyak noon sa mga klaseng ito na kabisado ng mga naka-enroll ang position ng mga letra rito. Kapag may pagsusulit, hindi maaaring tingnan ang mga letra at kung minsan ay may piring pa para tiyaking kung talagang natuto na.
Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon, binalikan ng marami ang mga gunitang naipon nila noong uso pa ang paggamit ng typewriter.
“‘Yan ang gamit ko noong araw. Napakalaking bagay sa akin niyan. Noong nagwo-work ako, ganiyan pa ang gamit ko,” pagbabahagi ng Facebook user na si Marietta Villamiel Villanueva.

“Tinuruan ako ng aming tatay na mag-type,” kuwento ni Vivian Valdez. “Mayroon kami sa bahay kaya ang bilis kong mag-type kahit high school pa lamang ako noon.”
“May subject kami nito noong first year college ako, Typing 1,” ani Mary Melody Corillo. “Dahil sa subject na iyan, naging mabilis ako mag-type.”
Ikaw, naabutan mo rin ba ang panahon ng typewriter? Uso pa rin ba ito noong ikaw ay nagkamalay, o tinuruan ka na lamang ng mga nakatatanda gamit ang typewriter na maayos pang nakatabi sa inyong bahay? Ano ang hindi mo makalilimutang alaalang dala ng gamit na ito?