Tulugan na! Nagkukulambo ka pa rin ba?

Imahe via Magsasaka Mabuhay Ka | Facebook at Jay R | Facebook
  • Bahagi na ng pagtulog ng pamilyang Pilipino ang paggamit ng kulambo noon
  • Ito ay mabisang panangga laban sa lamok at iba pang insekto
  • Ikinuwento ng mga netizens ang kanilang karanasan sa paggamit ng kulambo kasama na ang pagkikiskis nito sa paa para makatulog

Parte na ng bawat gabi ng pamilyang Pilipino noon ang kulambo. Pagsapit ng oras ng tulugan, ayan na’t kinakabit ito at pumapasok ang lahat sa loob. Siguradong mahimbing at malayo sa kagat ng lamok at ibang insekto ang buong gabi mo.

Imahe via Magsasaka Mabuhay Ka | Facebook

Kadalasang gawa sa telang plastik ang kulambo kung saan napakapino ng butas nito upang hindi makapasok ang anumang insekto at nakapagbibigay pa rin ng bentilasyon sa mga gumagamit nito. Mahahanap mo rin ito sa iba’t -ibang kulay gaya ng dilaw, pula at asul. May kulambong kasya sa pangdalawahan hanggang pang buong pamilya.

Sa larawan na in-upload ng Magsasaka Mabuhay Ka Facebook page, kita ang kulambo na nakakabit na at naghihintay na lamang sa mga miyembro ng pamilyang matutulog rito. Lalo na sa bukid, hindi lamang lamok ang puwedeng kumagat sa ’yo kundi pati na rin ang ibang insekto o kaya’y daga.

Naibahagi ng maraming netizens na hanggang ngayon ay marami pa rin sa kanila ang hindi makatulog nang hindi nakakulambo.

“Oo naman hanggang ngayon gumagmit kami ng kulambo ng mister ko. Pati mga anak lalo na yong mga apo ko. Pinagkulambo ko sila. Marami kasing lamok at iba pang mga insekto sa gabi. Proteksyon noong nasa lumang bahay pa kami ng biyenan ko. Tatlong beses akong pinasok ng malaking daga. Mabuti na lang at nakakulambo kami.”

Imahe via Jay R | Facebook

Hindi lamang sa ganoong paraan naging parte ng buhay natin ang kulambo dahil may mangilan-ngilan na hindi ito kinakabit bilang panangga sa lamok kundi ikinikiskis ito sa paa para mahimbing na makatulog.

“Meron kami kulambo pero hindi kinakabit. Ginagawang kumot at kiskisan ng paa kasi ‘di makakatulog pag walang kulambong nakapulupot.”

Nag-iba man ang pamamaraan ng pag-iwas natin sa lamok ngayon, wala pa ring kapantay ang mga alaala na naiwan ng paggamit natin ng kulambo noon.