
- Nagbalik ng maraming alaala ang isang tula na tungkol sa teleponong lata
- Matatandaang popular na laruan noon ng mga bata ang teleponong ito noong panahong wala pang smartphone, tablet, at iba pang gadgets
- Sa Facebook post ng Batang Pinoy – Ngayon at Noon, sinariwa ng marami ang mga gunitang nabuo dahil sa teleponong gawa sa lata
Gumamit ka rin ba ng teleponong lata noong bata ka?

Maraming alaala ang nagbalik matapos maibahagi ang tula na tungkol sa teleponong lata; isang popular na laruan sa mga bata noong panahong wala pang smartphone, tablet, at iba pang gadgets.
Sa Facebook post ng Batang Pinoy – Ngayon at Noon, sinariwa ng marami ang kanilang kabataan dahil sa tulang “Tawag” na isinulat ni “Kim”.
“May telepono ako na gawa sa lata. Ang kailangan lang ay may pising kasama upang tayo ay magkarinigan na. Laruan natin ito noong tayo ay bata pa,” saad ng unang saknong ng tula. Binaggit dito kung gaano kasaya ang mga sandaling iyon ng pag-uusap ng dalawang tao gamit ang old school na laruan; para bang hindi raw nauubusan ng kuwento sa isa’t isa.
Ngunit paglipas ng panahon, bigla na lamang daw nagbago ang lahat. Hindi na siya tinatawagan ng kausap — at tanggap niya na ganoon lamang talaga, walang hindi nagbabago at kumukupas.
“‘Pag tumatagal ay nagkakasawaan kaya ang dating makintab na lata ay kinakalawang at ang mahabang pisi ay napigtas na lamang,” aniya.

Marami ang nag-iwan ng kumento sa nasabing post.
“Hahaha kahit napakalayo rinig na rinig ang kausap! Ang gamit namin dating tali ‘yong sa tape ng karaoke, ‘yong brown, ‘Hello! Saan ang mama mo?’ Relate kayo?” ani Evelyn De Nicolas Grapa.
“Masasayang alaala ng ating mga kabataan noon, nakatatak na sa ating puso’t isipan,” wika ni Josefina Baria Maltezo.
“Sariwa pa rin sa akin ito hanggang ngayon. Ang saya-saya kaya isipin ang kahapon ko,” sabi naman ni Aiterces Mababa.
Ikaw, tanda mo pa ba kung sino ang madalas mong kausap dito noon?