Tivoli Ice Cream Bar: Naabutan mo ba ang masarap na ‘ice cream ng masa’?

Tivoli poster
  • Sobrang popular noon ang Tivoli Ice Cream Bar, na kilala bilang “ice cream ng masa”
  • Sa Facebook group na Memories of Old Manila, binalikan ng marami ang mga panahong paborito nilang kainin ang masarap ngunit abot-kayang ice cream bar
  • Hiling ng mga “young once”, sana ay maibalik na ito para naman matikman din ng kanilang mga anak at apo ang paborito nila noon

Naabutan mo ba ang masarap at sobrang popular noon na “ice cream ng masa”?

Image capture from Facebook

Hindi maikakaila na sobrang popular noon ang Tivoli Ice Cream Bar, na kilala bilang “ice cream ng masa” dahil sa presyo nito na talaga namang abot-kaya.

Ayon sa Filipiknow, ang ice cream bar na ito ay gawa ng Consolidated Foods Corporation (na sa kalaunan ay nagkipag-merge Universal Robina Corporation) ay maituturing na klasik meryenda ng mga bata; na hindi na iniintindi kung mamantsahan man ang kanilang uniporme basta lamang makain ito kaagad pagkagaling sa eskwela.

Sa Facebook group na Memories of Old Manila, binalikan ng marami ang mga panahong paborito nilang kainin ang ice cream bar na talaga namang bumenta noon sa napakaraming Pinoy.

“Lagi ako nakakabili nito mura kasi,” saad ni Martin Evets sa caption ng litratong ibinahagi niya sa grupo.

“Miss ko na ito. Lagi ako bumibili nito noong tumatao pa ako sa tindahan ng tita ko sa palengke. Nag-e-escape ako para maghanap at bumili nito,” kuwento ng isa sa mga miyembro na si Maricor Landicho-Magtibay.

“Paborito ko ‘yang ice cream dahil masarap na, mura pa,” pagbabahagi ni Justin Benito.

Samantala, hiling ng mga “young once”, sana ay maibalik na ito para naman matikman din ng kanilang mga anak at apo ang paborito nilang ice cream bar noon.

Image capture from Facebook

Ikaw, inabutan mo rin ba ang Tivoli Ice Cream Bar? Kasama ka rin ba sa mga “young once” na hinahanap-hanap pa rin ito hanggang sa ngayon?