Talento sa sining, ginamit ng lalaki para pagandahin ang silid; hinangaan ng netizens

Images from Epi Salazar | Facebook
  • Sa halip na bumili ng mga mamahaling materyales at pandekorasyon, ginamit ng isang lalaki ang kanyang talento sa sining para pagandahin ang kanilang silid
  • Sa Facebook, ibinahagi ni Epi Salazar ang mga litrato niya habang pinagaganda ang kuwarto gamit ang kanyang mga pampinta
  • Nagagamit din ni Epi ang talentong ito sa pagpapaganda ng silid ng ibang tao

Kailangan ba ng malaking halaga o ng maraming ipon upang mapaganda ang iyong kuwarto? Para sa isang lalaki, sapat na ang malikhain niyang isip at mga kamay para gawing malaking obra ang kanilang silid.

Image capture from Facebook

Sa Facebook, ibinahagi ni Epi Salazar ang mga litrato niya habang pinagaganda ang kuwarto gamit ang kanyang mga pampinta. Sa halip na bumili ng mga mamahaling materyales at pandekorasyon, ginamit niya ang kakayahang ito para pagandahin ang kanilang kuwarto.

“Natapos ko na rin ang kuwarto namin ni Jhayce,” saad niya sa caption ng mga litratong ini-upload.

Bukod sa kanyang silid, nagagamit din ni Epi ang talentong ito sa pagpapaganda ng silid ng ibang tao. “Baka may gusto rin magpa-paint. Usap tayo,” pagbabahagi niya.

Sa social media account ni Epi, makikita ang disenyo ng isang kuwarto na kamakailan lamang niya ginawa. Sa caption ng mga larawang kanyang ini-upload, ibinahagi niya na tinapos niya ang kanyang trabaho sa loob lamang ng 10 oras. Masayang-masaya rin ang nagpagawa sa kanya dahil sa bilis niyang gumawa at sa maganda niyang obra.

“Thank you rin, Epi Salazar! Super nakaka-happy, nakaka-good vibes! At super bilis natapos! Galing mo talaga! Sa uulitin,” kumento ni Miles Preglo sa kanyang post.

Image capture from Facebook

Kung minsan, hindi naman talaga kailangan ng magagarbong palamuti at malaking halaga. Kailangan mo lang gamitin ang mga bagay na mayroon ka at ang mga biyayang noon pa ay nasa iyong mga kamay na: katulad ng iyong talento at kakayahan.