‘Styling gel lang, ayos na’: Ang ‘numero unong pampaguwapo’ ng mga kalalakihan noon

Images via @blackinkg/'s Twitter account and Shopee
  • Usong-uso noon sa mga kalalakihan ang paglalagay ng tinaguriang “numero unong pampaguwapo”, ang styling gel
  • Sa Facebook group na Memories of Old Manila, binalikan ng marami ang mga sandali kung kailan hindi kumpleto ang kanilang porma kung hindi ito ginamit
  • Bagama’t hindi na gaanong nakikitang ipinagbibili ngayon at napakarami nang nagsilabasang “pampaguwapo”, may mga nagsabi na hindi pa ito tuluyang nawawala

Natatandaan mo pa ba ang panahon ng old school na styling gel?

Image capture from Facebook

Usong-uso noon sa mga kalalakihan ang paglalagay ng tinaguriang “numero unong pampaguwapo”, ang styling gel; sa tuwing papasok sa eskuwela, kapag manliligaw, o sa simpleng paglabas lamang ng bahay upang makihalubilo sa iba. Pasok ito sa budget anuman ang estado sa buhay; kung hindi kayang bumili ng nasa bote, maaaring makabili ng tingi sa mga tindahan sa murang halaga lamang.

Sa Facebook group na Memories of Old Manila, binalikan ng marami ang mga sandali kung kailan hindi kumpleto ang kanilang porma kung hindi ito gamit sa buhok nila.

“Mga batang 80s, sino ang gumamit at nakakaalala pa nito?” tanong ni Alebrt Vlilasin sa caption nito.

“Kami po, lagi po iyan, lalo na if may party or activities noong high school,” tugon ng isa sa mga miyembro ng grupo na si Mariz Fajardo Antonio.

“Styling gel, sikat ka noon kapag mayroon ka niyan,” kumento ni Edward A Esmane.

“Nakaka-fresh ang kulay ng gel na ‘yan. Sarap sa mata at ang bango-bango pa,” ani Francis P Natarte II.

Image via @blackinkg | Twitter

Samantala, bagama’t hindi na gaanong nakikitang ipinagbibili ngayon at napakarami nang nagsilabasang “pampaguwapo”, may mga nagsabi na hindi pa rin ito tuluyang nawawala. Sa katunayan, ang mga iba na nahiyang dito noon ay patuloy pa rin itong ginagamit hanggang sa ngayon.

Ikaw, gumamit ka rin ba ng styling gel na ito noon? Ano-ano ang hindi mo makalilimutang alaala na kakabit na nito?