
- Isang netizen ang nakatanggap ng isang sakong semento bilang regalo sa katatapos nilang Christmas party
- Ang tema kasi ng kanilang exchange gift ay “something na mahirap iuwi”
- Ayon sa nakatanggap nito, talagang hindi pa raw niya naiuuwi ang sako ng semento at balak na lamang niya itong i-donate sa isang construction site

Ngayong Christmas season, hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng exchange gift sa pagitan ng magkakaklase, magkakatrabaho, magkakaibigan, magkakapamilya, at iba pa.
Nakaugalian na kasi ng mga Pinoy na magpalitan ng regalo bilang tradisyon sa pagsapit ng Pasko. At habang nagiging moderno ang sibilisasyon, patuloy din ang pagbabago ng mga panuntunan sa bigayan ng exchange gift.
Sa panahon ngayon, iba’t ibang tema ng Christmas gift ang ginagawa ng mga Pinoy lalo na ng mga kabataan. Ito ay upang bigyan ng “twist” ang nakagawian nang tradisyon ng pagbibigayan ng regalo.
Dahil na rin sa social media, dito ibinabahagi ng mga Pinoy kung anong klaseng tema ng exchange gift ang kanilang ginagawa. Marami nang mga litrato ng nakakatawa at kakaibang mga natanggap na regalo ang nagiging viral.

Isa sa mga post tungkol sa tema ng exchange gift ang kamakailan nag-viral dahil na rin sa sobrang kaibahan nito sa malimit na nireregalo.
Sa Facebook post ng netizen na si Christian Joson na ibinahagi ng GMA News page, ipinakita niya ang litrato ng kaniyang natanggap sa katatapos lamang na Christmas party nila sa klase.
Ayon kay Joson, “something na mahirap iuwi” umano ang tema ng kanilang exchange gift. At totoo ngang mahirap iuwi ang kaniyang natanggap na regalo dahil ito ay isang sako ng semento!

Hanggang ngayon daw na tapos na ang kanilang Christmas party at wala na rin silang pasok sa eskuwela ay hindi pa umano naiuuwi ni Joson ang sako ng semento sa kanilang bahay.
Lalo na ngayon at mahirap umuwi at sumakay lalo pa at malayo umano ang kanilang bahay sa kanilang paaralan, naisip ni Joson na i-donate na lamang ito sa isang pinakamalapit na construction site kapag hindi niya ito naiuwi.
Marami namang netizen ang natawa sa litratong ito ni Joson, at sinabing magsama raw sila ng isa ring netizen na nakakuha naman ng hollowblock bilang regalo rin sa exchange gift.