
- Isa sa mga palaging ginagamit bilang panggamot sa peklat simula pa noon ang Sebo de Macho
- Sa Memories of Old Manila group, binalikan ng mga miyembro ang mga sandali kung kailan naging epektibo ang remedyong ito para hindi mag-iwan ng bakas ang sugat sa kanilang balat
- Inalala rin ng iba ang mga hindi nila malilimutang gunita na may kinalaman dito
Bahagi na ng kabataan ang paglilikot at paglaro, kaya naman hindi na rin maiaalis ang mga hindi inaasahang pangyayari katulad ng pagkadapa at pagkakaroon ng mga sugat.

Mabuti na lamang at mayroong mga lunas para sa peklat; ang marka na iniiwan ng sugat. Isa ang Sebo de Macho sa mga palaging ginagamit bilang panggamot dito.
Sa Facebook group na Memories of Old Manila, binalikan ng mga miyembro ang mga sandali kung kailan naging epektibo ang remedyong ito para hindi mag-iwan ng bakas ang sugat sa kanilang balat. Inalala rin ng iba ang mga hindi nila malilimutang gunita na may kinalaman dito.
“Binigyan ako ng lola ko nito kasi madami akong peklat sa binti dahil sa kagad ng lamok,” ani Thine De Jesus.
“Effective. Ginamit ko noong nagka-chicken pox ako noong fourth year high school,”kuwento ni Enrique J. Martinez.
“I still use it up to now, even if I live abroad. I make sure I have enough supply that can last for a while,” kumento ng miyembrong si Erlinda Petfield.

Pagbabahagi naman ni Naneth Magnaye, “Noong bata pa ako, marami akong peklat. Every day, nilalagyan ako ng nanay ko nito…alaga ang legs kasi babae, then panganay. kapag panganay kasi super alaga. Haha! Sa tiyaga ng nanay ko, nawala naman.”
Natulungan ka rin ba noon ng Sebo de Macho? Dahil ba sa old school na remedyo na ito ay lumaki kang makinis ang balat kahit pa paulit-ulit kang nadadapa at nagkakasugat noon?