
- Ngayong paparating na Pasko, parami na nang parami ang mga taong namimili sa Divisoria
- Kaya naman hindi na nakagugulat na isang netizen ang nakakuha ng litrato kung gaano kasikip at kadaming tao ang nasa Divisoria
- Ngunit sa litratong ito, isang laruang sasakyan ang makikitang dala-dala ng isang mamimili at nakaangat, mukha tuloy itong nasa ere upang maiwasan ang dami ng tao

Sa pagdating ng Disyembre, mas maraming Pinoy ang makikitang nasa labas ng kanilang mga tahanan; maaaring sila ay namamasyal, namimili sa mall, o pumupunta sa mga murang bilihan ng mga gamit.
Ang Disyembre kasi ay nangangahulugan ng pagsapit ng Pasko. Ibig sabihin nito ay maraming mga pamilihan ang nagkakaroon ng “big sale” dahil mas maraming tao ang inaasahang bibili ng kanilang mga panregalo.
Nakagawian na ng mga Pinoy ang pagkakaroon ng exchange gift sa tuwing sasapit ang Pasko sa pagitan ng magkakapamilya, magkakaibigan, magkakatrabaho, at iba pa.

Ang Divisoria ang isa sa pinakasikat at pinakapatok na bilihan ng mga gamit na maaaring ipangregalo. Bukod sa marami ang nagtitinda at itinitinda rito, bagsak-presyo rin ang mga bilihin.
Kaya naman maraming mga Pinoy ang dito na namimili at naghahanap ng mura ngunit magaganda namang ipangreregalo.
Marami na ang nagkalat sa social media na mga litrato sa Divisoria tuwing Disyembre. Ngunit isang litrato ang kamakailan lang ay nag-viral dahil sa nakakaaliw nitong hitsura at caption.

Sa litrato kasi na ibinahagi ng netizen na si Paul Gerard, ipinakita niya ang sisiksikan na tao sa Divisoria, at sa litrato ay mayroong nakasamang laruang kotse na bitbit ng isang mamimili.
Sa litrato ay mukha tuloy nakalutang na ang kotse at minarapat na lang na lumipad upang maiwasan ang maraming tao. Nilagyan pa ito ni Paul ng caption na: “Grabe, sobrang dami ng tao sa divisoria, kotse na yung nag adjust.”
Ang nasabing litrato ay mayroon nang 17,000 reactions na halos puro “HAHA” at 17,000 din na shares sa Facebook.
Pa-good vibes lang!