
- Inilabas na ang mga teaser videos ng Philippine adaptation ng Korean series na ‘Descendants of the Sun‘
- Dahil sa tagumpay ng orihinal nitong series, maraming mga Pinoy ang nag-aabang sa adaptation na gagawin ng GMA network
- Ang mga pangunahing gaganap sa teleseryeng ito na ipapalabas sa 2020 ay sina Dingdong Dantes, Jennylyn Mercado, Rocco Nacino, at Jasmine Curtis-Smith

Maraming mga Pinoy ang nahumaling sa South Korean series na Descendents of the Sun na ipinalabas noong 2016 at ipinalabas din ang Tagalog dubbed na bersyon dito sa bansa.
Ang kuwento ng teleseryeng ito ay umiikot kina Captain Yoo Shi Jin, na kabilang sa Korean Special Force, at doktora Kang Mo Yeon, isang surgeon sa Haesung Hospital. Nagkita ang dalawa sa isang banyagang bansa kung saan sila nagkatrabaho at kalaunan ay nahulog ang loob sa isa’t isa.
Nakatanggap ang teleseryeng ito ng iba’t ibang awards tulad ng Grand Prize in Television sa 52nd Baeksang Arts Awards; isa sa prestihiyosong award show sa Korea.

Dahil sa tagumpay, mga karangalan, at suporta na natamo ng Descendants of the Sun, maraming Pinoy ang natuwa nang ipahayag ng GMA network nitong taon lamang na gagawa sila ng Philippine adaptation ng nasabing Korean series.
Nag-umpisa nang magsiyuting ng mga eksena para sa teleseryeng ito noong Oktubre at inaasahang ipapalabas ito sa darating na 2020.
Ang PHL adaptation na ito ay pagbibidahan nina Dingdong Dantes bilang Captain Lucas or Big Boss, Jennylyn Mercado bilang Dr Maxine. Kabilang din sa mga bida ay sina Rocco Nacino bilang Technical Sergeant Diego Ramos at Jasmine Curtis-Smith bilang Lieutenant Moira Defensor.

Kamakailan ay inilabas na ng GMA network ang unang teaser video ng nasabing teleserye. Sa unang teaser na may habang 30 segundo ay ipinakita ang mga pamilyar na eksena sa pagitan nina Dingdong at Jennylyn mula sa orihinal na Descendants of the Sun.
Panoorin ang mga teaser videos dito:
Dito naman sa ikalawang teaser ay ipinakita rin ang mga pamilyar na eksena sa pagitan naman nina Rocco at Jasmine. Ang opisyal umanong trailer ay ipapalabas sa darating na Linggo sa timeslot ng Kapuso Mo, Jessica Soho.