
- Naging bahagi ng kabataan ng marami noon ang mga sandali ng panghuhuli ng tutubi
- Hindi alintana ng mga bata maging ang init ng araw o kung marumihan man ang suot na uniporme nila kung manghuhuli nito pagkagaling sa eskwela
- Sa post ng Batang Pinoy Ngayon at Noon., binalikan ng marami ang mga alaala na nabuo habang nanghuhuli sila ng tutubi sa paaralan man o kung saan mang pinaglalaruan nila
Nanghuhuli ka rin ba ng tutubi noon?

Naging bahagi ng kabataan ng marami noon ang panghuhuli ng tutubi. Hindi nila alintana maging ang init ng araw o kung marumihan man ang suot na uniporme nila kung manghuhuli nito pagkagaling sa eskwela. Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy Ngayon at Noon., binalikan ng marami ang mga alaala na nabuo habang nanghuhuli sila ng tutubi sa paaralan man o kung saanmang pinaglalaruan nila.
“Gamit ang kapirasong walis ting-ting na nilalagyan ng mantsa ng langka para dumikit,” pagbabahagi ni Jamellah Sandigan Diocolano ng stratehiya nila para makahuli. “Sorry na po dragonfly kung ano ginawa ko sa iyo.
“Iyong marami lang tutubi kung kailan kalagitnaan ng sikat ng araw tapos galit na galit nanay ninyo kasi tanghaling tapat nanghuhuli ka ng tutubi imbes matulog ka,” pagbabalik-tanaw ni Gwendolyn Ablaza.
“Hinuhuli ko pero pinakakawalan ko rin. Nakakaawa naman kasi ang kaibigan ko tinatanggalan ng pakpak. Inaway ko. Those memories!” pag-aalaala ni Jessyline A. Maquito.
“Nanghuhuli ako niyan sa tabing ng ilog sa may kulahan ng mga damit (may ilog sa likod-bahay namin kung saan naglalaba mga matatanda noong araw). May tutubing green, blue, red, tutubing kalabaw, at tutubing karayom,” pagbabahagi ni Vivian Valdez.

Ikaw, ano ang hindi mo makalilimutan sa panghuhuli mo noon ng tutubi? Ibahagi ang iyong kuwento sa comments section!