
- Madalas noon sa labas ng paaralan ang mga nagpapabunot o nagtitinda ng makukulay na sisiw
- Ang iba, nauubos daw ang baon sa pagbunot o pagbili ng mga ito; habang ang ilan naman ay kuntento at naaaliw na sa simpleng panonood lamang sa mga makukulay na sisiw
- Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon., ibinahagi ng social media users ang mga makukulay na sandaling dala ng mga itinitindang sisiw sa labas ng eskwela
Kabilang ba sa mga nagpasaya ng iyong kabataan ang mga makukulay na sisiw na ipinabubunot o itinitinda sa labas ng paaralan?

Madalas noon sa labas ng eskwelahan ang mga nagpapabunot o nagtitinda ng mga makukulay na sisiw. Labis na kinaaliwan ng mga bata ang mga ito, partikular na yaong mga nasa elementarya pa lamang. Ang iba, nauubos daw ang baon sa pagbunot o pagbili ng mga ito habang ang ilan naman ay kuntento at naaaliw na sa simpleng panonood lamang sa mga makukulay na sisiw.
Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon, ibinahagi ng social media users ang mga makukulay na sandaling dala ng mga sisiw na dinadatnan nila noon sa labas ng paaralan sa tuwing uwian.
“May nagpapabunot sa labas ng school ng apo ko. Piso isang bunot, pag-uwi may bibit nang iba’t ibang kulay na sisiw. Bumibili naman ako ng patuka kinabukasan,” pagbabahagi ni Wilhelmina Organo.
“Hahahahaha! Naalala ko noon, ‘pag labasan na sa school, nariyan na sila at nag-aabang sa may labas ng gate. Tapos my dala na silang chicks at may bunutan pa,” pagbabalik-tanaw ni Liza Cebrero Patungan.

Kuwento naman ni Rosemarie Roduta, “Akala ko noong bata pa ako e totoong may ganiyan talagang kulay ng mga sisiw.”
Samantala, ipinapayo na huwag gagawin ang pagkukulay sa mga sisiw. Hindi ito nakabubuti katulad ng pagkukulay sa iba pang mga ibon na ibinebenta rin sa pamamagitan ng bunutan.
Ikaw, tinatangkilik mo rin ba ang palabunutan ng mga sisiw? O isa ka sa mga hindi na umaasa sa suwerte at bumibili na lamang para tiyak na may maiuuwi?