
- Simple lamang ang kasiyahan noon ng mga bata; nagagawa nilang laruan kahit ano, maging mga bulaklak at halaman
- Isa ang bulaklak ng santan sa mga madalas mapaglaruan noon ng mga bata; mula sa pagsipsip ng katas nito, hanggang sa paggawa nitong elisi, pansahog sa lutu-lutuan, at iba pa
- Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon, binalikan ng marami kung paano naging malaking bahagi ng kanilang kabataan ang maliliit na bulaklak ng santan
Hindi maikakaila ang naging papel ng bulaklak ng santan sa kabataan ng napakaraming musmos noon.

Simple lamang ang kasiyahan ng mga bata noong panahong hindi pa uso ang mga mamahalin at modernong gadgets; nagagawa nilang laruan kahit ano, maging mga halaman at bulaklak–katulad na lamang ng mga mumunting bulaklak ng santan. Marami kasing maaring gawin dito: simula sa sa pagsipsip ng katas nito, hanggang sa paggawa nitong elisi o accessories ng babae, at paggamit na sahog sa lutu-lutuan.
Sa post ng Facebook page na Batang Pinoy – Ngayon at Noon, binalikan ng marami kung paano naging malaking bahagi ng kanilang kabataan ang maliliit na bulaklak ng santan.
“Sa school namin noong elementary, maraming tanim na ganiyan. Sisipsipin ko tapos kukunin ko ang pinakasinulid sa loob ng stem ng bulaklak, isusuot ko sa butas ng bulaklak, at hihipan ko para s’yang umiikot na elisi,” pagbabalik-tanaw ng netizen na si Cecilia Cuaresma Labrador.
“Manamis-namis ang katas nito. Sinisipsip ko sa butas. ‘Pag wala na masipsip, minsan pagtatatanggalin ko ang petals habang sinasabi kong ‘he loves me, he loves me not’,” kuwento ni Sheena Balbin.
“Madami kami niyan dati….Sinisipsip iyong katas, ginagawang kuwintas at porselas kapag pinadudugtong. Ginagawang sahog sa luto-lutoan sa aming larong bahay-bahayan,” ani Jc Madulin Cabiguin.

Samantala, ang iba na mayroon pa rin daw tanim na ganito ngayon ay sinisipsip pa rin ang katas nito; paminsan-minsang bumabalik sa masaya nilang kabataan noon.