Nitong nalalapit na Pasko, alamin ang mga suwerte at malas na panregalo

Mga imahe mula Freepik
  • Hindi maiiwasang mahaluan ng pamahiin ang mga maaaring ibigay na regalo nitong nalalapit na Pasko
  • Ayon sa feng shui expert, mayroong mga regalo ang maaaring magbigay ng suwerte o kamalasan sa taong pagbibigyan nito
  • Ang karamihan sa mga malas na panregalo umano ay panyo, wallet, at sapatos, habang ang mga masuwerte naman ay unan, pabango, at alkansiya

Isa ka rin ba sa nahihirapang mamili ng mga panregalo ngayong nalalapit na Pasko? Hindi dahil sa dami ng tao at traffic kundi dahil na rin sa wala kang ideya kung anong bagay ang ipangreregalo.

Imahe mula sa Pixabay

Dahil sa pahirapan ang pagpili, ang ibang mga Pinoy ay nagsusulat ng kanilang “wish list” o ang listahan ng gusto nilang matanggap na regalo sa Pasko.

Maganda man ang layunin ng pagkakaroon ng “wish list” ngunit nawawala ang elemento ng surpresa sa mga reregaluhan. Kaya mainam pa rin para sa iba ang pagbibigay ng regalo na sila mismo ang pumili.

Ngunit sa ganitong kaugalian sa tuwing nagbibigayan ng regalo sa Pasko, hindi rin maiiwasan ang pagkakaroon ng pamahiin sa mga regalong ibinibigay.

Imahe mula Freepik

Para kasi sa mga feng shui expert, o ang mga taong may kaalaman sa mga positibo at negatibong enerhiya, hindi basta-basta ang pagbibigay ng regalo dahil mayroon umanong mga malas na ibigay, ngunit mayroon din namang mga nagdadala ng suwerte.

Sa artikulong mula sa ABS-CBN, ibinahagi ng feng shui expert na si Master Hanz Cua kung anong mga bagay ang mga pampabuwenas at malas na ipangregalo ngayong Pasko.

Ang mga pampasuwerteng regalo ay tulad umano ng unan (nangangahulugang magandang pagtulog), salamin sa mata (pagkakaroon ng magandang pagtingin sa buhay), kutsara at tinidor (ang pagbibigyan nito ay palaging may pagkain), pabango (tataas umano ang confidence ng pagbibigyan), at alkansiya (may maiipong pera umano ang reregaluhan).

Imahe mula Freepik

Para naman sa mga hindi magandang panregalo dahil ang mga ito umano ay naghahatid ng kamalasan, ang panyo umano ay maghahatid lamang ng luha sa pagbibigyan, at ang wallet naman ay dahil mauubos umano ang laman nito kalaunan.

Samantala, ang sapatos umano ay nangangahulugang “pag-aapakan” sa pagkakaibigan, ang relo  ay dahil “inoorasan” umano nito ang pagbibigyan, at ang bonsai  naman ay nangangahulugan ng stagnant growth sa pera.

Nabitin ka ba? Baka naman may maibahagi ka ring pamahiin kaugnay sa magandang ipanregalo?

Para sa iba pang listahan ng mga suwerte at malas na panregalo, bisitahin lamang ang mga link sa ibaba.

Imahe mula Freepik