Netizen, ipinagmalaki ang kanilang lumang ref na ginawang aparador

Imahe mula kay Jenzel Gonzales via Facebook
  • Kabilang ang refrigerator sa mga gamit na kapag naluma at nasira na ay ibinebenta sa mga bumibili ng bakal
  • Ngunit sa post ng isang netizen, ginamit niya ang luma at sira nilang ref upang ito ay mapakinabangan pa
  • Ang luma at sirang ref nila na ito ay nilinis at ginawang cabinet na lalagyan ng mga damit

Halos araw-araw, mayroong itinatapon o ibinebenta sa mga bote’t bakal or junk shop na mga sira o lumang gamit.

Imahe mula Freepik

Imbes kasi na maging kalat o matambak lang ang mga ito sa bahay ay mas nanaisin pa ng Pinoy na itapon o ibenta ang sira o sobrang lumang bagay kung hindi na rin naman ito mapakikinabangan.

Karamihan sa mga luma o sirang bagay na binebenta sa junk shop ay electric fan, kawali, TV, refrigerator , at iba pa. Sa junk shop naman pagkatapos ibenta ay kinukuha ang mga bakal na parte ng mga ito upang ibenta ulit o gamitin sa iba pang bagay.

Ngunit imbes na ibenta o itapon, nire-recycle mismo ng ibang may-ari ang mga sira o luma nilang gamit sa bahay upang magkaroon pa ito ng ibang pakinabang kahit na sa ibang paraan.

Imahe mula kay Jenzel Gonzales via Facebook

Sa Facebook, ibinahagi at ipinagmalaki ng netizen na si Jenzel Gonzales ang luma nilang refrigerator na ni-recycle upang magkaroon pa ng ibang pakinabang kahit ito ay hindi na gumagana.

Ang lumang ref kasi na ito nina Jenzel ay kanilang nilinis nang maigi, binalutan ng wallpaper, at kung noon ay mga pagkain ang inilalagay sa loob, ay mga gamit tulad ng damit na ang inilagay dito. Nagmistulang cabinet ang sirang ref na ito.

Sa kaniyang post, ibinahagi ni Jenzel ang mga litrato ng kanilang sirang ref na ginawang cabinet. Nilagyan niya ito ng caption na: Flex ko lang yung sirang ref namin na naging aparador. Try nyo din. Ps:hindi po nabaho yung loob,basta lagyan ng alkampor.

Imahe mula kay Jenzel Gonzales via Facebook

Maaaring pamilyar ka na sa alkampor. Ito ay maliliit na bilog at kulay puti na ginagamit panlaban sa mga ipis o iba pang peste. Inilalagay ang alkampor sa loob ng mga itinatabing damit upang ang mga ito ay hindi pestehin o anayin.

Maraming netizens naman ang natuwa at bumilib sa abilidad ni Jenzel na i-recycle ang ganitong klaseng appliance. Marami rin ang nagbabalak na ito’y gayahin upang makabawas na rin sa e-waste o electronic waste na sa ngayon ay dumarami na dahil na rin sa dami ng mga electronic devices.