‘Namigay sila sa Tondo, binigyan natin sila rito’: Cafe sa Marikina, may pa-milk tea sa mga Aeta

Images via The Frostea Krab | Facebook
  • Hinangaan ang isang cafe matapos itong mamigay ng milk tea sa isang grupo ng mga Aeta
  • Sa Facebook group na MARIKINA NEWS, pinuri ng isa sa mga miyembro ang ginawang ito ng mga nagpapatakbo ng The Frostea Krab
  • Aniya, maganda ang ginawa ng mga ito para sa mga kababayan nating Aeta lalo na at may mga Aeta na tumungo noong nakaraan sa Tondo para mamigay ng kamote sa mga residente doon

May mga simpleng bagay na nakapagbibigay ng labis na kasiyahan sa iba–katulad na lamang ng mga milk tea na ibinigay ng isang cafe sa isang grupo ng Aeta kamakailan.

Image capture from Facebook

“Share the love! Love is priceless,” saad ng The Frostea Krab sa caption ng mga larawang ibinahagi nito.

Sa Facebook group na MARIKINA NEWS, pinuri ng isa sa mga miyembro ang ginawang ito ng mga nagpapatakbo ng The Frostea Krab. Aniya, maganda ang ginawa ng mga ito para sa mga kababayan nating Aeta, lalo na at may mga Aeta na tumungo kamakailan sa Tondo, Manila para mamigay ng kamote sa mga residente doon.

“Marikina, lugar ng may mabubuting ugali! Libreng milk tea para sa mga kababayan nating Aeta. Nagbigay ang kanilang mga kababayan ng libreng kamote sa Tondo kaya naman milk tea ang naisipan ng The Frostea Krab na ibigay ngayon sa kanila,” saad ni Ally Bonita sa caption ng kanyang post.

Kamoteng handog ng mga Aeta

Matatandaang tone–toneladang mga kamote ang ipinamahagi ng mga Aeta sa may 5,000 pamilya ng Baseco Compound nitong nakaraan. Nagdulot ito ng labis na kasiyahan sa mga residente, lalo na at nagsuot pa sila ng costume ni Santa Claus habang ibinabahagi sa lahat ng mga taga-Baseco ang kanilang handog na kamote.

Bukod sa mga residente ng Baseco Compound, natuwa rin ang mga netizens sa kabutihang loob na ipinamalas ng mga kababayan nating Aeta.

Image via Roberto Rosales | Facebook