
- Maaari ka na muling gumamit ng gugo para sa iyong “crowning glory” (buhok)
- Ang balat ng kahoy na gugo ay ginagamit noon bilang shampoo; nakatutulong para palakasing muli ang pagtubo ng buhok, nakatutulong para maiwasang magkabalakubak
- Upang ipagpatuloy ang legacy ng ama, muling ibinalik ni Cel Casas-Gonzales ang Forest Herbs Gugo Shampoo–at ngayon ay may ka-tandem nang Forest Herbs Gugo Conditioner
Isa ka ba sa mga nahilig noon na gumamit ng gugo? Malaki ba ang naitulong sa ng balat ng kahoy na ito para mapanatili ang kagandahan ng iyong buhok?

Kung oo, good news! Maaari ka na muling gumamit nito para sa “crowning glory” mo!
Upang ipagpatuloy ang legacy ng kanyang ama, muling ibinalik ni Cel Casas-Gonzales ang Forest Herbs Gugo Shampoo–at ngayon, may ka-tandem nang Forest Herbs Gugo Conditioner. “May forever na,” aniya.
“May forever na si Forest Herbs Gugo Shampoo! Our first ever all natural Forest Herbs Gugo Conditioner #MayForeverSaFHGugo,” saad ni Cel sa caption sa litrato ng mga produkto na ibinahagi niya sa Facebook.
Forest Herbs: Ang simula
Ang balat ng kahoy na gugo ay ginagamit noon bilang shampoo. Nakatutulong kasi ito para palakasin muli ang pagtubo ng buhok at maiwasan ang pagkakaroon ng balakubak. At noong 1980s, nangahas ang ama ni Cel na si Carling na gumawa ng shampoo mula rito.
“I was in Grade 3 when he started in 1987. I was his sidekick, his faithful assistant. Except for the formulation part, I knew the business inside out,” kuwento niya. Noong una pa nga ay sa isang stall lamang sa tiangge sila nagtitinda; isang munting hakbang na sa kalaunan ay dinala sila sa mas malalaking oportunidad para sa kanilang produkto.

Nagawa ng Serve-All Enterprises na maging distributor sa trade fairs, beauty stores, department stores, at iba pa.
Ang pagsikat ng gugo shampoo
Maging ang pamilya ay nagulat sa naging tagumpay ng gugo shampoo ng mga Casas. Kinita ng kumpanya ang unang P1 million nito sa loob lamang ng anim na buwan.
Sa loob ng maraming taon ay talaga namang lumago nang lumago ang negosyong ito.
Sino nga ba ang mag-aakala sa mararating ng imbensyong ito ni Carling, gayong nagsimula lamang ang lahat noong humingi ng tulong ang US-based brother niya sa paghahanap ng solusyon sa numinipis nitong buhok?
Paalam, Forest Herbs Gugo Shampoo
Gayunman, sa kabila ng pagiging matagumpay sa loob ng maraming taon, unti-unti rin bumagsak ang kanilang negosyo. Natuklasan din ni Cel na isa sa kanilang mga chemist ang gumamit ng gugo shampoo formula nila para sa sarili nitong ikauunlad.
Hindi na napigilan pa ang pagsasara ng negosyo noong 2006.
2019: Ang pagbabalik ng Forest Herbs
Ngunit paano mo nga ba kalilimutan na lang ang isang bagay na naging napakalaking bahagi ng iyong pagkatao, pamilya, at buhay? Nabuo ang pasya ni Cel na ipagpatuloy ang sinimulan ng ama.
Inumpisahan niya ito sa pamamagitan ng pag-e-enroll sa isang local shampoo-making workshop. Lalo siyang naging inspirado noong malaman na ang mga kaklase niya ay pamilyar sa kanilang produkto.
“I talked to my siblings and we agreed that Forest Herbs Gugo was Dad’s–and our family’s–legacy,” aniya.
Gamit ang mga makabagong kaalaman, mas pinaganda pa niya ang nasabing produkto habang iniingatang mapreserba ang orihinal na bersyon nito na binuo ng kanilang ama. At ngayon nga, mayroon na rin conditioner na kapares ang shampoo. Idagdag pa ang hair-grower serum.

Katulong niya rin dito ang asawang si Jun; ang kapatid na si Carmelo na siyang nagdisenyo ng mga lalagyan, at ang isa pang kapatid na si Catherine na palaging handang tumulong sa pamamalakad nito.
At dahil ang mag-asawa ang nasa likod ng One Algon Place Foundation, ang kukuhanin daw nilang mga empleyado ay yaong may mga mental health issues.
“I am happy we are doing this,” pahayag ni Cel. Ngayon ay 75 anyos na ang kanyang ama at masaya ito sa kanilang nasimulan.
“Daddy is my number-one supporter. He tells me to always work hard and be humble, and the rest will follow,” wika niya.