
- Inilabas na ang teaser video ng upcoming teleserye nina Liza Soberano at Enrique Gil na “Make It With You!”
- Ang bagong teleserye nilang ito ay ipapalabas sa 2020 ng ABS-CBN at sa direksyon ni Cathy-Garcia Molina
- Ang ilang bahagi ng teleserye ay kinuhanan sa bansang Croatia dahil nais umano ni Direk Cathy na malayong bansa at kakaunti lang ang mga Pinoy

Ngayong nalalapit na pagtatapos ng 2019, marami ang inaabangang mga panibagong hamon hatid ng bagong taon.
Marahil ay marami ang gagawa ng kanilang New Year’s resolution, o ‘di kaya ay mag-iiba ng hairstyle upang masabi ang mga katagang “New year, new me, 2020 be good to me.”
Pero bukod sa personal na pag-unlad sa darating na 2020, marami pa ang inaabangan ng mga Pinoy lalo na sa showbusiness.
Sino ang mga celebrity couples na ikakasal, sino-sino ang mga maghihiwalay, ang pagtatambalin, at higit sa lahat, ang magkakaroon ng mga bagong proyekto tulad ng teleserye at mga pelikula.

Sa tuwing nalalapit ang bagong taon, naglalabas ang mga TV channels ng kanilang teaser videos ng mga bagong programang ipapalabas.
Isa sa mga pinakaaabangang teleserye ngayon na ipapalabas ng ABS-CBN ay ang programa nina Liza Soberano at Enrique Gil — o kilala sa tawag na LizQuen — na “Make It With You!” Ang teleseryeng ito ay sa direksyon ni Cathy-Garcia Molina, ang direktor din ng mga programang Forevermore at Dolce Amore kung saan bida ang LizQuen.
Kamakailan ay ibinahagi ng reel at real-life sweethearts na LizQuen sa isang digital press conference ang tungkol sa kanilang upcoming teleserye.

“It’s another amazing, amazing love story. I hope na talagang they will really follow the journeys of the characters kasi they will really learn a lot as young Filipinos searching for themselves,” ani Enrique.
Dagdag pa ni Liza: “Ang dapat abangan siguro ng mga viewer ay the lessons we are going to impart through the teleserye — value for work, value for career, for passion and love.”
Ang ibang bahagi ng teleseryeng ito ay kinuhanan sa bansang Croatia. Dahil nais umano ni Direk Cathy na mag-shoot sa bansang malayo at kaunting Pinoy lamang ang naninirahan.

“Through research, napag-alaman na dito sa Croatia, sobrang kaunti ng Pinoy. To keep to its truth, dito tayo nagpunta. It’s something new to the Filipinos also…We need it for the story,” ani Direk Cathy.
Ang kuwento ng teleserye ay tungkol kay Billie (Liza), isang free-spirited at masipag na OFW sa Croatia. Dito ay makikilala niya si Gabo (Enrique) na naglalakbay upang hanapin ang kaniyang “true happiness.”
Panoorin ang trailer dito: